Mga naputukan sa Bagong Taon
MAS mababa ngayon ang bilang ng mga naputukan sa pagsalubong sa Bagong Taon kumpara sa nakaraang taon.
Ayon sa tala ng Department of Health (DOH) as of 6:00 a.m. kahapon, umabot lamang sa 351 ang bilang ng mga nasugatan sa paputok sa buong bansa.
Mas mababa ito ng 39 percent kumpara noong 2013 na umabot sa 578 kaso ng naputukan.
Bumaba rin ang bilang ng kaso ng ligaw na bala na naitala lang sa tatlong kaso kumpara sa nakaraang 2013 na 11 kaso.
Magandang indikasyon ito dahil tila natututo na ang publiko na mag-ingat sa paputok o ’yung iba naman ay talagang umiwas na sa paggamit ng paputok dahil sa takot na maaksidente.
Pero siyempre maaaring indikasyon ito na walang pambili ng paputok ang marami dahil sa hirap ng buhay.
Alam nating lahat na sa pag-unti ng bilang ng mga naputukan at pagbawas ng mga gumamit ng paputok ay malaking tulong ito sa ating kapaligiran dahil nabawasan ang polusyon dulot ng paputok.
Talagang malaki ang naibawas sa polusyon kumpara sa mga nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon ay maitim ang usok sa paligid pero ngayon ay iba na.
Pero ang pinaka-mainam pa rin ay tuluyan nang mawala ang paggamit ng paputok ng indibidwal para mawala na rin ang aksidente.
Mas makakabuting ang ating tradisyon ay baguhin sa pamamagitan na lang ng panonood ng fireworks display sa halip na indibidwal ang nagpapaputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
- Latest