Humahaba ang buhay?
HUMAHABA na raw ngayon ang buhay ng mga tao dahil nababawasan ang bilang ng mga namamatay sa ilang mabibigat na karamdaman tulad ng cardiovascular at infectious disease.
Sinasabing ang inaasahang haba ng buhay ng mga lalaki at babae sa mundo ay umakyat sa 71.5 years noong 2013 mula sa 65.3 years noong 1990. Kung magpapatuloy ang kalakaran sa nagdaang 23 taon, aabot sa 85.3 years ang haba ng buhay ng kababaihan samantalang 78.1 years naman sa kalalakihan sa 2030.
Ito ang isinaad sa isang panibagong pag-aaral na tinatawag na “Global, regional, and national age-sex-specific all-cause and cause-specific mortality for 240 causes of death, 1990-2013: a systematic analysis for the Global Burden of Disease Study 2013.” Isinagawa ito ng isang pandaigdigang consortium ng mahigit 700 researcher mula sa 100 bansa sa pamumuno ng Institute for Health Metrics and Evaluation (IHME) ng University of Washington.
Sinasabi pa sa pag-aaral na ang ischemic heart disease, stroke, at chronic obstructive pulmonary disease (COPD) ang sanhi ng pagkamatay ng halos 32 porsiyento ng mga tao noong 2013. Ipinaliwanag pa sa pag-aaral na dumarami pa rin ang mga tao na namamatay sa ilang kundisyon tulad sa sakit sa puso dahil sa pagtaas ng populasyon pero kung pagbabatayan ang edad, nababawasan ang mas maagang pagkamatay ng mga tao sa mga ganyang sakit.
Nababawasan din ang bilang ng mga namamatay sa maraming uri ng kanser tulad ng breast cancer, cervical cancer, at colon cancer. Tumataas naman ang bilang ng mga namamatay sa pancreatic cancer, kidney cancer, and non-Hodgkin lymphoma. Ayon pa sa IHME, mas marami na ngayon ang mga mas matatanda sa buong mundo na isa ring indikasyon ng paghaba ng buhay ng mga tao.
Medyo may kulang lang sa ganitong mga klase ng pag-aaral. Dahil usaping pangkalusugan ang tinalakay at sinuri nito, maaasahan nang hindi nito sinakop ang ibang sanhi ng pagkamatay nang maraming tao gaya sa mga bagyo at ibang likas na kalamidad, mga giyera, aksidente at krimen.
Mas magiging komprehensibo sana ang pagsukat sa haba ng buhay ng mga tao kung isinasaalang-alang din ang ganitong mga salik.
- Latest