‘Galang Bangkay (?)’
NAHAMPASAN ng alon ang bawat letra ng kanyang pangalang inukit sa marmol. Sa pagtaas ng tubig mas lumakas ang gahiganteng alon at tinangay ang buong bato. Pinasok ang parihabang butas at tuluyang nilamon ng dagat.
“Hinanapan nila ng katibayan na patay na ang mister ko. Papaano naman yun tinangay na ng tubig ng dagat ang kanyang nitso?” wika ng misis.
Ang misis ay si Cerlita ‘Cerly’ Librado Lumactod, 49 anyos, kasalukuyang nanunuluyan sa Makati City. Biyuda na siya sa asawang si Marcelo Lumactod o “Loy”. Tubong Tuburan, Cebu si Cerly. Mangbubukid ang kanyang ama kaya’t palipat-lipat sila ng bahay sa bundok. “Maraming rebelde nun, kaya ’pag sinabi ng mga sundalo na hindi kami ligtas sa bukid lilipat kami ng ibang lugar,” pag-alala ni Cerly. Hindi na nakapagtapos ng pag-aaral si Cerly. Grade I siya nang huminto hanggang sa nagdesisyon ang kanilang pamilya na manatili na lang sa bayan ng Toledo, Cebu kung saan sila mas ligtas. Dito nakilala niya ang kabaryo na si Loy. Kinse-anyos nun si Cerly, si Loy naman 19 na taong gulang—nagpa-pack ng mga fertilizers na gamit sa pagsasaka. Niligawan siya ni Loy at naging sila. Sa batang edad nagdesisyon daw ang kanilang mga magulang na sila’y ikasal.
“Masaya ang naging pagsasama namin. Hanggang sa tumuntong sa 30 anyos ang kanyang edad nagsimula siyang magbisyo,” ani Cerly. Nagsusugal na raw itong si Loy at madalas magsabong. Hindi na rin niya mapigil ang pananabacco nito. Nang magkaanak sila inakala ni Cerly na titino na ang mister subalit iba ang nangyari. Mas lumala raw ito.
“Nung minsang umuwi siya, kinantsawan daw siyang under de saya… ayun, hinabol niya ako ng itak,” ayon kay Cerly.
Maliit na rin daw kung magdelihensya ng pera itong si Loy. Bagay na tiniis ni Cerly nung una. Gumawa siya ng suman (puso kung tawagin sa kanila) — gawa sa kanin na binalot sa dahon ng niyog. Dini-deliver niya ito sa mga restaurant. Kaunti lang ang kita ni Cerly dito kaya’t 1990’s lumuwas na siya ng Maynila at namasukan bilang kasambahay. Hindi rin naging maayos ang sitwasyon ni Cerly sa Maynila. Hindi umano maganda ang trato sa kanya ng naging amo kaya’t umalis siya rito at nakituloy na lang sa kanyang pinsan na isa namang gwardiya. Naglabada na lang itong si Cerly para makapagpadala ng pera sa kanyang anak sa probinsya. Taong 2007, nakatanggap ng sulat si Cerly galing Cebu. Binalita sa kanyang patay na ang asawang si Loy.
“Pneumonia raw ang kinamatay ng asawa ko. Hunyo 8, 2006 pa pala patay si Loy… 2007 ko na natanggap ang sulat,” ani Cerly.
Hindi agad nakauwi ng Toledo si Cerly. Nang makaipon ng pera nung taong 2009 nakabisita siya sa anak. Naisipan na rin niyang lakarin ang Social Security System (SSS) ni Loy sa Toledo. Pinapunta siya sa SSS-Main at nilakad niya ang mga dokumentong kailangan para makuha niya ang ‘death claim’ at ‘benefits’ ni Loy. “Kinumpleto ko ang mga dokumentong hinahanap nila pero hindi pa raw sapat iyon,” ani Cerly.
Nagpunta siya sa J. P. Rizal-Branch ng SSS at diniretso ang kanyang problema sa opisina. Kwento ni Cerly, nagkipag-ugnayan na sila sa SSS-Toledo Branch at pinuntahan na nito ang sementeryo kung nasaan si Loy subalit wala raw silang nakitang bakas ng kanyang libingan. “Hinahanap nila ang nitso ng asawa ko. Eh ang libingan sa amin katabi ng dagat nung nagkabagyo, natangay pati asawa ko,” pahayag ni Cerly. Kung saan-saan na lumapit si Cerly para tulungan siyang mag-claim sa SSS subalit hanggang ngayon wala pa rin daw siyang nakukuha kahit burial benefit na pambayad sa ataul at serbisyo sa burol ni Loy.
“Ang ataul niya ginawa lang din nila dun. Hindi rin naman siya inembalsamo… nagtanong na ako sa SSS Toledo kung paano yung burial benefit ni Loy, makukuha ko naman daw pero hanggang ngayon wala pa rin,” reklamo ni Cerly.
Ito ang dahilan ng pagpunta ni Cerly sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).
Para linawin ang problema nitong si Cerly, kinapanayam namin sa radyo si Ms. Lilibeth Suralvo, Communication Analyst ng SSS-Main Office. Ayon kay Ms. Lilibeth nalakad na ng SSS-Toledo ang kaso ni Cerly at hindi nga raw nakita ang nitso nito. “Walang nakitang puntod. Wala rin kasing binigay na listahan galing sa sementeryo. Yun yung kailangan niyang hingiin,” ani Ms. Lilibeth.
Ang solusyon dito, mag-apela sa Social Security System Commission (SSCC). Tulungan siya ng isang abogado para gawin ang kanyang appeal letter.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maingat ang SSS sa pagbibigay ng benepisyo dahil gusto nilang matiyak na sa tama mapupunta ang mga naiwang benefits ng kanilang miyembro. Nagsisiguro rin sila na ang ‘claimant’ ay nagsasabi ng totoo. Paano kung pagkatapos maibigay ang pera biglang lumutang na lamang ang tao at sinabing isang pagkakamali o hindi pagkakaintindihan lamang ang lahat? Ang mga taga-SSS din naman ang puputukan dahil sa kanilang kapabayaan.
Matapos sabihin yan, napakahirap din namang isipin na gawa-gawa lamang ito ng pamilya ni Cerly dahil hindi biro ang sabihin na patay na si Loy.
Para maresolba ang problemang ito… dahil hindi mahanap ang puntod nitong si Loy, iminungkahi ni Ms. Lilibeth sa SSS na kumuha ng listahan mula sa sementeryo kung saan ito inilibing para kumpirmahing inilibing nga dun si Loy. Bilang tulong ni-refer namin si Cerly sa Public Attorney’s Office ng Makati City para gawan siya ng apela sa SSSC. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
- Latest