Manong Wen (142)
“HANAPIN si Princess at ang mga dalagita,” sabi nang mabait na police officer sa kanyang mga tauhan. Mabilis na kumilos ang mga pulis at hinalughog ang malaking bahay o casa ni Chester. Ang ilang pulis ay binantayan ang bangkay ni Chester habang isinasagawa ng SOCO ang pag-iimbestiga. Maya-maya inilabas ng mga taga-punerarya ang bangkay ni Chester. May mga miyembro ng media na kumuha ng picture ni Chester habang inilalabas sa casa.
Binalingan ng officer si Jo, “Sige Jo, mag-usap tayo pagkaraan nito,” sabi ng officer at tinapik ito sa balikat.
“Salamat Sir.’’
“Malaki ang naitulong ninyo ni Princess sa pagsolb sa kaso. Ako ang magpapaabot sa kinauukulan para mabigyan kayo nang pagkilala.’’
‘‘Salamat po Sir.’’
Nagpaalam na ang officer.
Mabilis din namang kumilos si Jo para hanapin si Princess. Ang huling pag-uusap nila ni Princess ay nang binubuksan ang pintuan ng room na kinakukulungan ng mga dalagita. Nasaan na kaya sila.
Sinubukan niya itong tawagan. Subalit hindi niya makontak. Maaaring nasa ilalim pa ito o pinaka-basement ng casa. Ayon kay Princess, ilang palapag ang binabaan niya bago nakita ang kulungan ng mga dalagita. Kung ganoon, masyadong malalim ang kinaroroonan nila. Paano siya pupunta sa basement na iyon. Hindi naman siya maaaring makadaan sa entrance ng MARC CHESTER store sapagkat tiyak na kinordonan na ng mga pulis.
Natatandaan niya, nang hindi pa namamatay si Chester, habang nakikipag-usap ito sa loob ng kanyang kuwarto, may napansin siyang spiral na hagdan sa kaliwang bahagi ng kuwarto. Hindi kaya iyon ang patungo sa ibaba o basement? Posible. Maaaring sa spiral na hagdan nagdaraan si Chester para makatakas.
Nagmamadaling tinungo ni Jo ang kuwarto ni Chester.
Hindi siya nagkamali sapagkat may spiral na hagdan nga sa kuwarto. Nagmamadali siyang bumaba roon.
Malalim nga. Halos mahilo siya sa paikut-ikot na hagdan. Hindi niya mabilang kung ilang palapag ang nababaan niya. Habang pababa, palamig nang palamig ang nararamdaman niya.
Nang makarating siya sa pinakababa, agad niyang napansin ang isang nakabukas na kuwarto. Nakita niya ang seradura na parang kinalikot ng alambre. Iyon ang pintuan na kinalikot ni Princess at kinaroroonan ng mga dalagitang kinidnap nina Chester.
Nasaan kaya sina Princess? Sa laki ng lugar, hindi niya alam ang direksiyon kung saan tutungo. Maraming lagusan. Parang Quiapo underpass na ilan ang daan palabas. Saan siya tutungo para mahanap sina Princess?
(Itutuloy)
- Latest