Manong Wen (136)
NAPUNO ng tensiyon habang pinipilit buksan ni Princess ang pinto. May umiiyak na naman at ang iba ay nawawalan ng pag-asa. Muling sinubukan ni Princess na susian ang pinto. Pero hindi niya talaga maitulak ang pinto. Parang hinarangan ng isang mabigat na bagay sa kabila. Maaaring nang malaman na nakatakas sa kuwarto ang mga dalagita ay agad isinara ang pintuan para hindi sila makalabas.
“Hindi mabuksan itong pinto. Wala tayong magagawa kundi bumalik sa ibaba at maghanap ng ibang dadaanan,” sabi ni Princess. Matatag ang kanyang boses. “Huwag kayong mag-alala at makakalabas tayong lahat dito. Hindi ko kayo iiwan!”
Natigil ang bulungan at nabuhayan ng loob.
Isang dalagita ang nagsalita. “Ate Princess, may alam po akong isa pang lagusan!”
Nabuhayan lalo ng loob ang iba pa sa sinabi ng dalagita. Maganda ang dalagita. Mukhang anak ng foreigner sa Pinay.
“Saan? Paano mo nalaman?’’ Tanong ni Princess.
“Doon po ako unang dinala ni Chester…’’ sabi at napaiyak na. Pagkaraa’y nagpatuloy sa pagsasalita, “doon po niya ako ginahasa!”
Natahimik ang lahat. Nakatingin si Princess sa dalagita. Kasing-edad marahil ito ni Precious. Napakaganda ng dalagita. Blonde ang buhok. Napakakinis.
“Anong pangalan mo?”
“Britney po.’’
Nilapitan ito ni Princess at niyakap.
“Hayaan mo, Britney, matatapos din ang kasamaan ni Chester.’’
Napasubsob si Britney sa dibdib ni Princess.
“Saan ang sinasabi mong lagusan, Britney?”
“Doon po sa malapit sa kulungan namin ay may isa pang room na nagsisilbing lagusan din. Hindi ko po iyon malilimutan. Tena po kayo roon!”
Inatasan ni Princess ang lahat. Tinungo nila ang sinasabi ni Britney. Bumaba muli sila patungo sa pinanggalingan.
“Dali! Dito tayo!”
(Itutuloy)
- Latest