EDITORYAL - Tapusin na ang paghuhukay!
DAPAT noon pang nakaraang Hulyo natapos ang mga paghuhukay at pagre-repair ng mga kalsada sa Metro Manila pero hindi iyon natupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH). At kung kailan malapit nang mag-Christmas at abala sa pagsa-shopping ang mga tao, saka naman lalo pang nagbungkal ng kalsada ang mga kontraktor ng DPWH. At mapapansin na kahit hindi naman gaanong sira ang kalsada, binubungkal nila gaya nang ginagawa sa Mindanao Avenue, Quezon City na nagdudulot ng trapik sa lugar. Ang Mindanao Ave. ay major route kung saan maraming sasakyan na nagdadaan patungong North Luzon Expressway (NLEX). Sakripisyo ang dinaranas ng mga dumadaan sa Mindanao Ave. at tiyak na lalo pang titindi ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Maski ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay nagtataka na rin sa sobrang bagal ng mga kontraktor ng DPWH na pagtapos sa mga proyekto. Pinagpapaliwanag ni MMDA chairman Francis Tolentino ang DPWH kung bakit hanggang ngayon marami pa ring mga nakatiwangwang na kalsada at marami rin ang mga nakaharang na nagdudulot nang grabeng trapik. Bakit patuloy pa rin ang pagbubungkal kahit na papalapit na ang holiday season? Ayon kay Tolentino, dapat tapos na ang mga paghuhukay at nilinis na ang anumang balakid sa kalsada lalo ang mga major routes.
Dahil sa hindi pagtapos ng mga proyekto, apektado ang Christmas lanes na dapat ay gagamitin ng motorista ngayong Disyembre. Paano magagamit ang mga itinakdang Christmas lanes gayung binungkal at hindi pa natatapos.
Tapusin ang paghuhukay at huwag hukayin ang mga maaayos pang kalsada! Maawa sa mga motorista at mga taong magsa-shopping ngayong Pasko na sawang-sawa na sa trapik!
- Latest