Manong Wen (105)
N ASA kainitan ang paghahalikan nina Jo at Princess nang biglang may tumawag mula sa labas. Parang nagmamadali ang boses.
Naghiwalay ang mga labi ng dalawa. Hinabol ang paghinga.
“May tumatawag!” sabi ni Jo habang nakayakap pa kay Princess.
“Sino kaya yun?’’
Narinig muli nila ang tawag. “Tao po! Tao po!’’
Nagmamadali silang sumilip sa bintana. Nakita nila kung sino ang tumatawag. Classmate na babae ni Precious. Minsan na niyang nakitang kasabay ito ni Precious.
Biglang nagtatakbo sa may pinto si Princess. Kinutuban na agad siya na may ibabalita ang classmate ni Precious.
“Ano yun? Bakit ka tumatawag?”
“Si Precious po isinakay sa isang van!”
“Diyos ko! Nasaan na si Precious!”
Biglang napasugod sa pintuan si Jo.
“Anong nangyari? Nasaan si Precious?”
“Isinakay daw sa van! Anong gagawin natin, Jo?”
Tinanong ni Jo ang classmate.
“Paanong nangyari? Ilang lalaki ang nagsakay sa kanya?”
“Naglalakad po kami kanina pauwi nang biglang may tumigil na van sa tabi namin. Bigla pong bumukas ang pinto at hinila paloob si Precious. Pero bago po naisara ang pinto, nakita ko po ang dalawang lalaki sa loob. Isa po ay drayber at isa ay ang humila kay Precious. Mga lalaki pong naka-jacket.’’
“Anong itsura?”
“Mukha pong goons.”
“Saan nagtungo ang van?”
“Dere-deretso po.’’
“Okey salamat.’’
“Aalis na po ako.”
Mabilis na umalis ang classmate ni Precious.
Umiyak si Princess.
“Anong gagawin natin Jo. Baka kung ano ang gawin kay Precious!”
“Huwag kang umiyak. Halika at ireport na natin sa pulis. Kailangang mailigtas si Precious.’’
“Baka patayin si Precious kapag nagsumbong tayo, Jo. Huwag muna nating isumbong. Please, Jo.’’
“Anong balak mo?’’
“Sundan natin sila.’’
Nag-isip sila ng paraan kung paano masusundan ang van.
(Itutuloy)
- Latest