Bagong imbentong sapatos, kasimbilis ng kotse ang takbo kapag isinuot
ISANG bagong imbentong sapatos sa Amerika ang kayang gawing kasimbilis ng kotse ang takbo ng nagsusuot nito.
Pinangalanang ‘Bionic Boot’, ang high-tech na sapatos ay naimbento ni Keahi Seymour ng San Francisco, California.
Hango mula sa galaw ng mga ostrich ang disenyo ng ‘Bionic Boot’. Ang mga nasabing hayop ang nagbigay ng inspirasyon kay Keahi upang gumawa ng isang kasuotang magpapabilis sa takbo ng isang pangkaraniwang tao. Kahit kasi walang kakayahang lumipad ang mga ostrich, napakabilis namang tumakbo ng mga ito.
Gamit ang ‘Bionic Boot’ ay magagawa ng may suot nito na tumakbo ng lampas 40 kilometro isang oras. Bagamat mas mabagal pa rin ito sa takbo ng isang ostrich ay kasimbilis na ito ng world record ng pinakamabilis na tao sa mundo na si Usain Bolt.
Hindi pa tapos si Keahi sa pagdisenyo ng kanyang “Bionic Boot” at inaasahan niyang mapapabilis pa niya ang may suot nito. Pangarap niyang maabot ng mga magsusuot ng “Bionic Boot” ang bilis ng takbo ng pinakamabibilis na hayop sa mundo katulad ng mga ostrich at cheetah.
- Latest