Manong Wen (83)
MAKARAANG ihatid si Precious ay nagmamadaling umuwi ng bahay si Princess. Marami pa siyang gagawin sa bahay. Papasok siya ng school mamayang ala-una ng hapon. Hanggang alas singko ng hapon ang klase niya. Paglabas, dadaanan naman niya si Precious sa school nito at sabay silang uuwi ng bahay.
Nasundan lahat ni Jo ang mga gawain ni Princess. Napakasipag nito. Parang walang kapaguran. Bibihira ang ganitong babae na maraming ginagampanan sa buhay. Humanga siya sa pag-aasikasong ginagawa ni Princess sa bunsong kapatid. Parang siya na ang tumatayong ama at ina ni Precious. Naitanong ni Jo sa sarili, nasaan na kaya ang ina nina Princess. Bakit hindi na nagpakita? Buhay pa kaya? Mayroon palang ina na natitiis na hindi makita ang mga anak. Ang alam ni Jo, mga ama lamang ang nag-aabandona sa mga anak --- pati pala ina. At matindi ang ginawa ng ina nina Princess dahil nanlalaki. Iniputan sa ulo ang tatay ni Princess na si Manong Wen. Habang nagpapakahirap sa Saudi si Manong Wen ay ‘‘naglalaro naman ng apoy’’ ang kanyang asawa. Napakasamang babae! Halos magkasingtulad sila ng naka-live-in niya sa Riyadh na si Gemma na nanlalaki rin. Nilimas ni Gemma at lalaki nito ang pera niya. Pero nagbayad na rin si Gemma sa kanya --- nagpakamatay ito. Nalimot na niya ang masamang nakaraang iyon. Ang lahat nang nawala o ninakaw sa kanyang pera ay bumalik din – mas marami pa. Halos hindi niya kayang ubusin. Nanalo pa siya ng lotto sa Riyadh, ilang araw bago siya umuwi ng Pinas. Hanggang ngayon, hindi pa halos nababawasan ang kayamanan niya kahit na bumili siya ng bahay at lupa sa lugar nina Princess.
Nakabawi na siya sa mga pang-aapi ni Gemma at nalimot na niya ang lahat. Ngayon, gusto niyang magparamdam kay Princess pero hindi niya alam kung paano. Wala siyang lakas ng loob magtapat. Siguro hahayaan na lamang niya na panahon ang gumawa ng paraan. Maghihintay siya.
Ang pagtutuunan niya ngayon ay ang pagsubaybay sa magkapatid. Para siyang Guardian Angel nina Princess at Precious. Walang sinuman ang makapagtatangka kina Princess sapagkat siya ang haharap. Ipagtatanggol niya ang magkapatid kahit kanino.
Minsan isang gabi na nakabantay si Jo sa magkapatid, dinig na dinig niya ang usapan ng mga ito sa kusina.
‘‘Pakiramdam ko Ate, sinusubaybayan pa rin ako ni Chester. Para bang naghihintay lamang ng pagkakataon para ako matangay.’’
‘‘Kaya nga hindi kita hinahayaang mag-isa.’’
Nag-iisip si Jo. Sino kaya ang Chester na pinag-uusapan nila. Baka iyon ang pinuproblema ni Princess?
(Itutuloy)
- Latest