‘Krimen sa Metro Manila bumaba raw?’
BUMABA raw ang krimen sa Kalakhang Maynila ayon sa huling datus na inilabas ng Philippine National Police (PNP).
Kung dati raw kasi mahigit 700 krimen ang naitatala kada linggo, ngayon 660 na lang daw simula noong pinaigting nila ang kanilang kampanya kontra kriminalidad noong Hunyo.
Kung totoo mang bumaba ang krimen, nakakapanghikayat ito na mas pababain pa ang kanilang estatistika.
Subalit, hindi ito hanggang sa datus lang. Kinakailangan itong makita at maramdaman ng mamamayan. Kasi kung hindi, para itong mabahong utot lang na dumaan sa ere.
Ang sinasabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Carmelo Valmoria kaya raw bumaba ang krimen ay dahil nagpakalat sila ng mga pulis sa lansangan o police visibility kung tawagin.
Ayos ’yan. Pero sana hindi ito ningas-kogon lang dahil “ber” months na o papalapit na ang Kapaskuhan.
Oo nga nagpakalat ng maraming pulis. Ang tanong, gaano kabilis ang responde?
Magiging sirang plaka na ako sa paulit-ulit na pagtalakay sa usaping ito. Ang pangunahing dahilan kung bakit mataas ang krimen ay dahil wala tayong crime prevention infrastructure o central communication system.
Sa bansang Amerika ito ’yung 911. Numerong madaling tawagan kung kinakailangan ng tulong o responde mapa-sunog, pulis o medikal man.
Ang punto rito, importante ang presensya ng pulis sa lansangan pero dapat sila ay madaling hanapin, tawagan at mabilis rumesponde.
Ito ang sistemang gustong makita ni Juan dela Cruz. Hindi ’yung puro numero lang na ipinangangalandakan na bumaba ang krimen pero hindi naman makita at maramdaman.
Hindi ako nagtuturo o nagmamagaling dito. Ibinabahagi ko lang kung ano ang pamantayan ng mga alagad ng batas sa Estados Unidos na taon-taong idinodokumento ng BITAG Team Ride Along.
Sinasadya ko talaga itong banggitin paulit-ulit sa aking programang BITAG Live at sa kolum na ito para magising ang mga namumuno sa PNP.
Hangga’t hindi naayos ang sistema kung papaano mapigilan ang krimen ng mga halang ang bituka, hindi bababa ang krimen sa bansa at hindi maibabalik ang tiwala ng mamamayan.
Panoorin ang pamantayan ng pagpapatupad ng batas sa Estados Unidos. Log on bitagtheoriginal.com click PINOY-US COPS.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest