Bayan sa Netherlands hugis bituin
ANG bayan ng Bourtange sa Netherlands ay dating kuta ng mga sundalo. Itinayo ito noong 1593 ngunit inabandona ito ng mga kawal pagdating ng 1851. Sa kabila nito ay nanatili pa rin ang pamayanan na umusbong sa paligid ng Bourtange kaya naging isang bayan.
Ang mga mamamayang ito ang nagpasya na gusto nilang ibalik ang dating hugis ng Bourtange noong ito ay isang kuta pa ng mga sundalo, kaya naman kung titingnan ang bayan habang sakay ng eroplano, mapapansing hugis bituin ito mula sa himpapawid.
Hugis bituin ang Bourtange noong ito ay isang kampo pa ng mga sundalo at naisipan ng mga residente nito noong 1960s na ibalik ang kanilang bayan sa dating kakaibang hugis.
Hinukay nila ang mga dating pader na nakapalibot sa kanilang bayan upang maibalik ang dating itsura nito at pinadaluyan din nila muli ng tubig ang kanal na nakapalibot sa Bourtange upang lalong maging kapansin-pansin mula sa himpapawid ang pagiging hugis bituin.
Natapos ang ginawang pagbabalik ng mga residente ng Bourtange sa dating itsura ng kanilang bayan noong 1992. Simula noon, naging isa nang sikat na tourist attraction ang Bourtange sa Netherlands.
- Latest















