Prerogative ni P-Noy
MARAMI ang nag-iingay at nananawagan para magbitiw o sibakin sa puwesto si PNP chief Director General Allan Purisima.
Ito ay sa gitna ng alegasyon na umano’y katiwalian at tagong yaman ng PNP chief.
Pero tila mamamaos o mauubos na lang ang boses ng mga sumisigaw sa pagsibak o pagbibitiw ni Purisima.
Dahil mismong si P-Noy ay nagsabi na hindi sisibakin at nananatili ang kaniyang tiwala. Nagpahayag na rin si Purisima na hindi siya magbibitiw at naniniwalang maayos naman ang kanyang pamumuno sa PNP.
Napaka suwerte ni Purisima dahil buong-buo ang tiwala sa kanya ni P-Noy.
Kahit pa batikusin sa media ang isang opisyal na kaibigan ni P-Noy ay walang mangyayari at mananatili pa rin sa puwesto.
Dito pumapasok ang usapin ng presidential prerogative. Marapat na irespeto ito ng lahat ng sektor.
Nasa desisyon kasi ng Presidente kung dapat niyang sibakin sa puwesto ang naitalagang opisyal at kung sakali ay siya naman ang mananagot nito sa taumbayan.
Kaya ang magagawa na lang ng mga kritiko ni Purisima ay mag-ingay hanggang gusto nila subalit malabong mapatalsik o masibak sa puwesto ng Presidente.
Maliban na lamang kung sususpendihin ng Ombudsman at aakyat ang kaso sa Sandiganbayan.
Hindi sana maapektuhan ang serbisyong ibinibigay ng PNP sa taumbayan at laging manaig ang interes ng mamamayan.
- Latest