‘Mga lalaki sa Balwarte’
ISANG kabaryo, isang konsehal, si kapitan at isang biyudong may taniman ng saging…sila ang mga lalaking pilit iniuugnay umano sa 37 anyos na misis.
“Ano ba ito ang dami kong lalaki, lahat na lang. Ang ganda ko naman!?” sabi ng misis.
Siya si Analy Maalihan, 37 anyos taga Caloocan City. Kasal si Analy kay Gilbert Maalihan, 38 anyos kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia. Dise otso anyos si Analy ng lumuwas siya ng Maynila para magtrabaho bilang ‘sales lady’. Taong 1995, nagbakasyon si Analy sa Mindoro, sa bayan ng tiyuhing si Rodolfo. Dito niya nakilala si Gilbert, isang traysikel drayber. Pareho ng relihiyon si Rodolfo at Gilbert, ang Seventh-day Adventist.
“Hinahatid niya ng traysikel pauwi ang tiyuhin ko. Nakita niya ko…kinabukasan binalikan niya ako sa bahay,” kwento ni Analy.
Ilang buwan lang makalipas naging sila na. Mabilis itong si Gilbert at nabuntis agad si Analy kaya’t nagpakasal sila sa huwes. Para maikasal sila ni Gilbert mula pagiging Katoliko naging Adventist na si Analy at ikinasal sila sa simbahan nung taong 1997. Wala pang isang taon ang kanilang anak ng mabuntis siyang muli.
“Nung masundan ang panganay namin ‘di na ako nagtrabaho,” aniya.
Maayos ang naging pagsasama ng pamilya Maalihan. Nanganak siya ulit nung taong 2001. Lumuwas ng Maynila si Analy at pumasok bilang kasambahay. Dalawang buwan pa lang siya sa Maynila pinabalik na siya ng Mindoro dahil may karelasyon umanong isa ring kasambahay si Gilbert.
“Hihiwalayan ko na sana siya pero sabi ng kapatid niya bigyan ko siya ng pagkakataon, pinagbigyan ko naman,” sabi ni Analy.
Tumino naman daw itong si Gilbert sa loob ng walong taon hanggang umabot na sa apat ang kanilang anak. Taong 2006, kasagsagan ng bagyong Caloy, maraming kabahayan sa Mindoro ang nasira kabilang ang sa pamilya Maalihan. Dalawang buwan pa lang ang kanilang bunso nun. Dalawang taong walang aning saging at niyog sina Analy kaya’t lumuwas siya ng Maynila at nag-alaga ng 88 anyos na matanda.
“Nung mamatay amo ko nagdesisyon akong mag-abroad,”sabi ni Analy. Taong 2008, unang nakapunta ng Singapore si Analy. Kumita siya ng Php11,000 kada buwan sa loob ng isang taon. Kada dalawang buwan nagpapdala siya ng P15,000 sa mag-aama. Panghulog na rin sa kinuha nilang traysikel. Pag-uwi ng Pinas nung taong 2010, ilang buwan lang bumalik siya ulit ng Singapore at nagtagal dun hanggang taong 2012. “Pinag-aral ko si Gilbert ng kursong Welding sa TESDA,” sabi ni Analy. Natapos ni Gilbert ang anim na buwang Vocational Course sa TESDA. Habang nag-aaral ito nakarating kay Analy ang umano’y pambababae ulit nito. Kumare pa umano ng hipag niya ang babae nun ni Gilbert. Kinumpronta niya ang mister, tinanggi naman ito ni Gilbert at sinabing gusto na niyang mag-abroad. “Hindi na ko nagpadala, gusto rin naman niya mag-abroad umuwi na lang ako para alagaan ang mga anak ko,” ani Analy.
Marso 5, 2013 ng makapunta siya ng Riyadh, Saudi Arabia bilang ‘welder’. Ang kita niya nasa Php20,000 daw kada buwan. Maayos naman ang pagpapadala ni Gilbert hanggang sa dumating ang buwan ng Marso taong kasalukuyan. Tumigil na daw ito ng pagsusustento.
“Ang sabi niya magpapaopera siya ng mata. Hindi naman ako naniwala paano siya magpapaopera e di titigil siya sa trabaho nun,” sabi ni Analy.
Pagtsitsimis daw ng pamilya ni Gilbert ang dahilan kung bakit nagkalabo silang mag-asawa. Pebrero 2014, daw kasi nung maging Day Care Worker siya sa kanilang lugar. Kinwestiyon daw ng mga tao ang pagtuturo niya gayung hayskul graduate lang siya. Inugnay daw ang pangalan niya sa kanilang kapitan.
“Hindi na bago dahil bago pa si Kapitan pilit na akong iniugnay sa isa kong kapitbahay at konsehal,” ayon kay Analy. Una na daw nagpabarangay si Analy ng ipagkalat umano ng bilas niyang si Marilou na may relasyon sila ng isang kapitbahay. Nagharap daw mismo sila sa barangay. Sabi umano ni Analy, “Nagbibiruan lang kami, napagkatuwaan ka lang naman…” Binalewala ito ni Analy. Naulit umano ito ng tiyuhin naman daw ng mister ang nagsabing may relasyon sila ng kanilang konsehal.
“Nabanggit lang sakin yun ng kaibigan ko. Nagulat ako ni hindi ko pa nga nakakausap ang konsehal namin. Natawa na lang ako,” ayon kay Analy.
Sumunod na ang isyu nila ng kanilang kapitan. Nagbarangayan ulit sila at pinatawag itong si Marilou subalit asawa niyang ‘Roy’, kapatid ni Gilbert ang humarap at nanghingi umano ng tawad. Nitong huli, inuugnay naman daw siya sa 75 anyos na si Tiyo Amadeo, biyudo at may sagingan ang dinidikit sa kanya. “Dalawang beses pa lang kami nagtanim dun kasama pa pinsan ng asawa ko tapos lalaki ko na naman?!” natatawang sabi ni Analy. Lahat ng ito nakarating sa asawa niya kaya’t tumigil na daw ito ng pagpapadala. Wala ng makain ang kanilang mga anak kaya’t ang naisip na paraan ni Analy, ibenta ang mga pinutol na kahoy sa kanilang silong na pangtayo sana ng kanilang bahay. Nalaman ito ni Gilbert kaya’t inunahan niya daw siya. Pinakuha niya sa nakakatandang kapatid na si Donald ang mga kahoy. “Nagreklamo ako sa barangay. Pinuntahan sila ni Kapitan at naaktuhan sila kaya kinulong sila ng 30 minuto sa barangay hall. Lalo silang nagalit sa’kin. Kinasuhan pa si kapitan ng Illegal Detention,” ayon kay Analy.
Puro kahihiyan umano ang dinulot ng pangtsitsismis ng mga kamag-anak ni Gilbert. Kaya minabuti niyang iluwas ng Maynila ang tatlong anak. Habang nasa pinsan niya sa Mindoro ang isa dahil nag-aaral.
Gustong malaman ni Analy kung paano hahabulin ang sustento ng mga anak kaya’t nagpunta siya sa amin. Itinampok namin siya‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil nasa ibang bansa itong si Gilbert at hindi abot ng ating korte kakailanganin niyang hintayin makabalik sa Pinas si Gilbert at dun niya sampahan ng R.A 9262 sa ilalim ng Economic Abuse. Kapag natunugan na niya na lumapag ito sa Pinas dun niya ipadala ang kopya ng travel itinerary galing sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) na dumating na nga ito. Ang ‘subpoena’ ay babagsak sa huli niyang alam na address (last known address) at magbigay siya ng kopya sa Department of Justice kay Sec. Leila de Lima para ito’y mailagay sa isang ‘lookout bulletin’ ibig sabihin nito bago siya makasibat ulit kailangan niyang kumuha ng ‘clearance’ mula sa lugar kung saan meron siyang nakabinbin na reklamo. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
- Latest