EDITORYAL – Lifestyle check sa mga pulis
BALAK ng pamahalaan na isailalim sa lifestyle check ang mga pulis na nauugnay sa illegal na sugal o yung mga suma-sideline bilang gambling lords. Ayon sa report, 27 pulis ang sinasangkot bilang gambling lords noong nakaraang taon at maaaring nadoble na ang bilang nila ngayong taon dahil sa naglipanang mga uri ng sugal sa bansa. Ang mga pulis umano ang nag-ooperate o financiers ng mga video karera machines, bookies ng small town lotteries, karera ng kabayo at pati ang mga peryahan.
Kabilang din umano sa mga isasailalim sa lifestyle check ay ang mga pulis na tinatawag na “kinse-treinta” (15-30) na nagpupunta lamang sa kanilang station o tanggapan kapag araw ng suweldo. Ayon sa report, maraming pulis ang hindi nagtatrabaho at patuloy na niloloko ang pamahalaan. Sumusuweldo sila kahit hindi naka-duty at mayroong ibang pinagkakaabalahan gaya nga nang pag-sideline sa pagiging financiers ng mga illegal na sugal.
Ang pagsasailalim sa lifestyle check ay muling nabuhay makaraang masangkot ang siyam na pulis sa La Loma Station 1 sa pangingidnap sa dalawang negosyante noong Set. 1, 2014 habang nasa EDSA, Mandaluyong. Hinarang ng mga pulis ang Fortuner ng mga negosyante at tinutukan ng baril saka dinala sa La Loma Station at ninakaw ang P2 milyon ng mga ito. Nabuking ang pangingidnap nang kumalat sa social media ang picture ng mga pangyayari. Pito na sa mga pulis ang sumuko samantalang nagtatago pa ang dalawa.
Maganda kung isasailalim sa lifestyle check ang mga pulis na suma-sideline bilang gambling lord. Magkaroon sana ito ng katuparan at hindi pawang balak lang. Kailangang basagin na ang mga “bugok” sa PNP para hindi mahawa ang iba pa. Masyadong mababa na ang pagtingin ng mamamayan sa mga pulis. Nakakulapol na ang dungis sa organisasyon.
- Latest