Pagluluto
AKO ay baker at hindi cook. Pero dahil biniyayaan ako ng culinary scholarship ni Chef Boy Logro sa Clicks at ng passion ni Lord para sa pagkain, nawiwili na rin akong mag-eksperimento sa pagluluto. Sinimulan ko sa pagbili ng mga cook book, at sa pagsubok sa sarili kong kusina ng mga niluluto namin ni Chef Boy sa Idol Sa Kusina.
Noong una ay ayoko pang may ibang tao o nanonood kapag nagluluto ako sa bahay. Kahit pa paghihiwa pa lang ang ginagawa ko. Nai-insecure kasi ako. Dahil madalas ko nang ginagawa, nagiging madali at mabilis na para sa akin. Marunong na akong magtime management sa kusina at kinakaya ko na ring dalawang putahe ang sabay na niluluto.
Ang sarap sa pakiramdam ngayong unti-unti ko ng nakikilala at nagagamay ang apoy. Dati rati kasi ay ihawan at toaster lang ang kaya kong paglutuan. Takot talaga ako sa kalan. Kaya ko lamang itong gamitin kung para sa pagpiprito ng itlog, bacon, hash brown, sinigang na kanin at maging French fries pangmeryenda. Ngayon ay nakakapaglaing na ako, caldereta, pochero at marami pang iba. Kung dati ay nagpapanik ako, ngayon ay therapy na sa akin ang pagluluto. Ayaw ko nang ako’y nagmamadali kaya nga 4:00 pa lang ng hapon ay naghahanda na ako ng panghapunan. Gustong gusto ko na dahan-dahan at maingat kong hinihiwa ang mga sangkap ng aking lulutuin. I love taking my sweet time. No pressure. At mas lalong masarap ang pakiramdam kapag nagustuhan ng mga tumitikim ang aking niluto. Nabubusog na ako kapag nakikita ko silang kinakain ang aking pinaghirapan.
At hindi lamang ako basta-bastang nahuhumaling sa pagluluto ng mga ulam ngayon. Dahil sa aking lifestyle change pagdating sa pagiging malusog ako na rin mismo ang naghahanda ng sarili kong pagkain. Tinitimbang at binibilang ko ang calories na taglay nito para mabantayan ko ang aking kinakain at bigat. Sabi nga nila, abs are made in the kitchen. Dahil kahit nag-eehersisyo ka ay 30% lamang ng iyong pagpapapayat o pagpapaganda ng katawan ang mula sa pagpapawis. At ang mas malaking 70% na epekto ay bunsod ng iyong mga kinakain.
Narito ang mga tip sa aking healthier cooking/eating/working out lifestyle:
-- Ang carbs ay dapat sa umaga, pagkatapos magwork-out at hanggang lunch dahil mahaba pa ang oras para i-burn at magamit ito. Ideally ay mas kaunti na ang carbs habang gumagabi at sa gabi ay protina na lang.
-- Bagama’t sinusukat ko ang mga sangkap, ultimo ang bawat kutsara ng mayonnaise, ang gulay naman ay unlimited. Napakababa ng calories ng mga gulay ngunit hitik sa sustansya, bitamina’t mineral.
-- Ang mangga at saging ang may pinakamataas na carbohydrate content sa lahat ng prutas, kaya dapat sa umaga lamang ang mga ito.
-- Imbes na asin ang pampalasa, subukan ang paminta at katas ng lemon.
-- Nakakatulong ang maaanghang sa pagpapapayat kaya mas damihan mo pa ang sili, chili powder at cayenne pepper sa pagkain.
-- Uminom ng 2 liters nang malamig na tubig kada araw. Mas malamig, mas mainam dahil puwersado ang katawang painitin ito. Ang epekto, bibilis ang metabolism, madaling mabubusog, konti ang makakain.
- Latest