^

Punto Mo

‘Brasuhan (?)’

- Tony Calvento - Pang-masa

HINDI mo pwedeng gamitin panakot ang isang bagay o brasuhin ang kamay ng isang tao na hindi naman parte ng kanyang katawan.

Ilang beses na siyang nakapagtrabaho sa ibang bansa. Mas malaki ang kita dun kaya’t tinitiis niya na hindi makasama ang pamilya matustusan lang ang pangangailangan nila. May nakasabay na recruiter si Melanie “Lanie” Udarbe, 42-taong gulang sa tricycle. Habang bumibiyahe nagkakwentuhan sila at nabanggit nitong maaari siyang matulungang muling makapagtrabaho sa ibang bansa. “Ang ahensiya niya ay ang Rochart Global pero napalitan na ngayon ng pangalan at naging Gold and Green,” wika ni Lanie. Ika-20 ng Enero 2014 nang magtungo siya sa ahensiya. Hiningian siya ng mga requirements tulad ng NBI Clearance, Information sheet galing sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at passport. “Sabi nila libre daw lahat. Wala akong gagastusin pero nung bandang dulo nagbayad pa rin ako,” pahayag ni Lanie. Pinapirma na rin siya ng kontrata ng mga ito at naghihintay na lang ng ilang mga dokumento para makaalis. Isinailalim din siya sa ilan pang eksaminasyon tulad ng pregnancy test na binayaran niya raw ng Php250.00, ECG Php200.00 at X-ray Php200. Ilang araw ang nakalipas tumatawag-tawag si Lanie sa ahensiya para alamin kung kailan siya makakaalis.

“Papalitan daw ang employer ko. Hindi naman nila sinabi kung ano ang dahilan. Maghintay-hintay lang daw ako,” salaysay ni Lanie. Hindi tumigil sa pangungulit si Lanie sa ahensiya dahil talagang kailangan niya ng trabaho para sa apat na anak. “Antayin ko raw ang tawag ng agent na si Ma’am Karen. Ilang buwan na hindi pa rin ako tinatawagan,” ayon kay Lanie. Sa puntong ito naisipan na lang ni Lanie na umatras dahil wala namang kasiguraduhan kung makakaalis siya.

“Pinapaulit kasi nila ako na magpa-X-ray dahil hindi raw nakita ang baga ko (cloudy lungs). Sabi ko di na ako tutuloy dahil wala na akong pera,” ayon kay Lanie.  “Hindi mo nga mabayaran ang Php200.00 yun pa kayang bayad sa passport?” sagot daw sa kanya ng isang staff ng ahensiya. Katulad ng problema ni Lanie, si Minly Rose Cello, 30-taong gulang ay dati na ring nagtatrabaho sa ibang bansa. Mismong ang ahensiyang Career Planners ang dumayo sa kanilang lugar sa Davao.

“Nagkaroon sila ng job fair dun. Nag-apply ako para makapag- abroad ulit. Bilin nila tatawagan na lang daw ako kapag may employer na,” pahayag ni Minly. Makalipas ang ilang linggo tumawag ang ahensiya sa kanya. Pinapapunta siya sa opisina sa Maynila.

“Pinapili nila ako kung ano ang sasagutin ko. Kapag nagpa-medical na ako sa Davao sila sasagot ng pamasahe. Kapag ang pamasahe ang binayaran nila pagdating dito sa Maynila bahala na ako sa pang pa-medical ko,” kwento ni Minly. Mas pinili ni Minly na siya ang gumastos para sa kanyang pamasahe. Dahilan niya mas maganda kung dito na siya susuriin ng doktor dahil hindi mapapaso kaagad. Abril 23, 2014 nang dumating sa ahensiya si Minly. Ipinasa niya lahat ng dokumentong hiningi sa kanya kasama ang pasaporte.

“Kinabukasan sumailalim na ako sa medical examination. Pinapirma rin nila ako ng promissory note. Nakalagay dun na babayaran ko ang nagastos kapag nakaalis na ako,” wika ni Minly. Ayon pa sa ahensiya kailangan niyang sumailalim sa isang linggong training. Tinuruan daw sila kung paano maglagay ng bed sheet, mag-vacuum ng maayos at magplantsa. “Pagkatapos ng isang linggo binigyan kami ng certificate. Isang buwan din akong nasa ahensiya. Dumalo na rin ako ng mga seminar at naghihintay na lang ako ng kontrata,” ayon kay Minly. May mga kasamahan din siya na namamalagi sa ahensiya at nag-away-away ang mga ito kaya napagdesisyunan niyang umalis. Namasukan siya bilang kasambahay para habang naghihintay na makaalis ay kumikita rin siya sa Maynila.

“Paulit-ulit akong nagtatanong sa kanila pero lagi nilang sagot wala pa raw kontrata. Huwag daw akong mag-alala sa loob ng dalawang buwan darating din daw yun,” salaysay ni Minly. Natatagalan na si Minly sa proseso ng ahensiya at napapanood niya at nababalitaan ang mga OFW na nagkakaroon ng problema sa Gitnang-Silangan. “Sinabi ko sa ahensiya na paano kung hindi ako tutuloy. Sagot nila babayaran ko raw lahat ng nagastos nila sa akin. Siyam na libong piso raw pero nitong huli naging Php11,000 na,” pahayag ni Minly. Nabahala si Minly sa kailangan niyang bayaran. Gusto niya na lang kunin ang kanyang pasaporte sa ahensiya. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwento nina Minly at Lanie.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, paulit-ulit naming sinasabi na ang pasaporte ay hindi natin pag-aari kundi ito’y pag-aari ng gobyerno. Hindi ito maaaring panghawakan ng isang ahensiya o ng ibang tao para lang sa mga obligasyong pinansiyal.  Ibang usapan ang paniningil nila sa kanilang aplikante para sa kanilang mga nagastos. Maaari silang pumunta sa ‘Small Claims Court’ at maghain ng ‘Collection of sum of Money’ laban sa aplikante. Isang araw lamang ang magiging pagdinig dito at agad nang magdedesisyon ang Hukom. Ang pasaporte naman ay dapat ibigay ng ahensiya dun sa taong binigyan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng pribilehiyo na gumamit nito. Malinaw ang linyang naghihiwalay sa dalawang magkaibang usapin na ito. Para lubos naming matulungan sina Minly at Lanie, ini-refer namin sila kay Assec. Wilfredo Santos, head ng Department of Foreign Affairs (DFA), Consular Affairs. Sila na ang bahala na makipag-ugnayan sa Gold and Green at Career Planners para mabawi ang pasaporte ng dalawang babaeng humingi ng aming tulong. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal mag­­punta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maaari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.face­book.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

AHENSIYA

AKO

CAREER PLANNERS

LANIE

MINLY

PARA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with