‘Pergalan’
HINDI dapat sa pulis lang nakatutok ang mga umaakusang mata ng sambayanan sa naglilipanang perya at pasugalan (pergalan) sa bansa. Sa totoo lang kasi, hindi naman mga pulis ang may final say kung magbubukas ang isang pergalan kundi ang mga pulitiko. Kapag walang basbas ng mga governor at mayor, hindi makapaglatag ng kanilang negosyo ang financiers kahit magsisigaw pa nang abo’t langit ang mga pulis na puwede na. Kaya kung mayroong pergalan sa inyong lugar mga kosa, ‘wag naman na mga pulis lang ang sisihin n’yo kundi maging ang mayor at iba pang pulitiko, hehehe! Tumpak!
Itong financiers kasi ng mga pergalan mga kosa ay may mga alagang tagahanap ng bakanteng lote o puwesto na puwedeng latagan ng peryahan. At nabibiyaan din ang mga alaga nila ng tinatawag na “finders fee”, lalo na kapag dinudumog ng sugarol ang puwesto. Ang unang gagawin ng financiers ay mag-apply ng permit para sa “mini-carnival’ subalit arok na ito ng mayor o dili kaya’y konsehal na may hawak ng committee sa games and amusement kaya automatic na approve ito. Siyempre, may padulas dito ang mga financier para sa mayor at konsehal at aabutin ito ng milyon kapag malakas ang puwesto. At kapag may green light na si mayor, saka na lang kakausapin ng financier ang hanay ng kapulisan. Kaya malaki ang role ng pulitiko sa pergalan kaysa sa mga pulis, hehehe! Get’s n’yo mga kosa?
Pero siyempre, hindi nalalayo sa presyo ng mga pulitiko ang hihinging weekly payola ng mga pulis sa financiers dahil alam nila kayang magpapaluwal ng mga ito. Kaon kasi ang financiers sa negosyo ng pergalan at hindi sila nag-aaksayang magtapon ng pera dahil kapiranggot na kahoy at plywood lang ang kanilang capital, hehehe! T’yak ‘yun!
Hindi na ako lalayo mga kosa dahil ang magandang halimbawa ng pakikialam ng pulitiko sa illegal na negosyo ng pergalan ay ang relasyon ng magkumareng Batangas Gov. Vilma Santos at Tessie Rosales, ang Reyna ng Pergalan sa Calabarzon area. Halos lahat ng pergalan sa Batangas, lalo na ang mga magagandang puwesto ay si Aleng Tessie ang financier. Hindi makaporma si Batangas PD Sr. Supt. Jireh Omega Fidel dahil alam n’yo naman mga kosa na si Ate Vi ang pumili sa kanya. Kapag ginalaw ni Fidel ang pergalan ni Tessie, t’yak bibilangin na lang ang oras niya sa kumare nitong si Ate Vi, di ba mga kosa? At karamihan sa mga mayors sa Batangas ay hawak din ni Ate Vi kaya libre huli at hirit si Aleng Tessie sa mga kapulisan, hehehe! Ang suwerte naman ni Aleng Tessie, no mga kosa? Walang patid ang tulo ng gripo n’ya dahil sa relasyon nila ni Ate Vi.
Maglalatag lang ang financiers ng pergalan nila sa isang lugar kung saan mga dalawa o tatlong buwan ay fiesta nila. Kaya ang bayad sa puwesto, pulitiko at kapulisan ay medyo kayang-kaya nila. Ang puwesto naman ng pergalan na tinatawag na puesto piho ay kapag nananatili sila sa lugar sa loob ng isang taon. T’yak ang mga residente sa lugar na me puesto piho na pergalan ay puro adik sa sugal. Dito, willing ang financiers na maglabas ng milyon para hindi sila mapaalis sa puwesto. Abangan!
- Latest