Manong Wen (25)
MATAPOS marinig ni Jo ang salitang Muskila! Muskila! ay may lumagabog na parang nadulas sa sahig. Ang muskila ay salitang Arabo. Ano kaya yung lumagabog? Lalo pa niyang siniksik ang sarili sa loob ng cabinet. Parang nasa loob ng kusina ang mga motawa at pulis. Nalanghap pa nang todo ni Jo ang maangot na amoy ng piniritong tuyo. Matindi ang amoy. Bulok na ang tuyo sa pakiwari niya.
Hanggang sa makarinig siya ng mga yabag na parang palayo. Narinig niya ang isinal-yang pinto. Natahimik. Nasaan na kaya ang mga motawa? Naaamoy pa niya ang maangot na tuyo. Nagpiprito pa yata!
Lumipas pa ang may limang minuto. Hanggang sa maramdaman niya ang unti-unting pagbukas ng pinto ng cabinet. Pumasok ang liwanag at siyempre ang angot ng pritong tuyo.
“Lumabas ka na Jo. Wala na ang mga motawa.’’
Nakahinga siya nang maluwag. Ligtas na siya. Salamat kay Manong Wen.
Lumabas siya. Saka niya nakita na basang-basa ang suwelo. Makintab. Nakita rin niya ang umuusok na kawali dahil sa piniprito. Matindi ang angot ng pinipirito.
“Umalis na ang mga motawa! Muntik ka na! Mabuti at may naisip akong paraan,” sabi ni Manong Wen.
“Ano pong paraan?”
“Sinabuyan ko ng mantika ang suwelo. Kunwari naglilinis ako. Hindi makalapit ang motawa sa mga kabinet. Nadulas siya nang magtangkang lumapit.’’
Kaya pala parang may nadulas.
“Bakit ka nagprito ng mabahong tuyo, Manong Wen?”
‘Yan ang nagligtas sa’yo. Ayaw ng mga motawa at pulis ng amoy ng tuyo. Sukang-suka sila. Isa nga lang motawa ang nakapasok dito at nadulas pa. Nagtakbuhan paalis dahil hindi matagalan ang amoy ng maangot na tuyo, ha-ha-ha!”
(Itutuloy)
- Latest