Manong Wen (23)
NAGLAMBITIN siya sa kurtina. Umiindayog siya. Hindi siya tumitingin sa itaas at baka naroon na ang mga motawa ay mamukhaan siya. Hanggang makita niya na mga isang dipa na lamang ang layo niya sa lupa. Ipinasya na niyang tumalon. Blag!
Paglapat ng kanyang mga paa sa lupa ay kumaskas siya ng takbo. Madilim na sa kanyang tinatakbuhan. Pero dahil ayaw niyang mahuli ng mga motawa at pulis, hindi siya tumigil sa pagtakbo. Ilang beses siyang nadapa pero bangon uli. Kailangang makalayo siya sa lugar.
Hanggang sa makarinig siya ng wangwang mula sa mobile car ng pulis. Nasundan pa ng ilang wangwang. Nakikita niya habang tumatakbo ang pulang ilaw ng mga mobile car.
Lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo. Hindi siya pahuhuli! Basta hindi siya pahuhuli! Ayaw niyang makulong at mawalan ng trabaho.
Hanggang sa maramdaman niyang siya ang sinusundan ng mga mobile car. Nakita siya!
Ipinasya niyang magbago ng tinatakbuhan. Sa halip na pakanan ay kumaliwa siya. Bahala na! Bakit kaya nasundan siya? Nahuli kaya ang mga pinsan niya at itinuro siya? Hindi naman siguro siya ituturo ng mga pinsan.
Palapit nang palapit ang wangwang. Binilisan pa niya ang pagtakbo. Walang puknat. Nawala ang pagkalasing niya. Nawala na rin ang pagkabangag niya sa damo. Nawala dahil sa takot.
Hanggang sa matanaw niya ang isang mataas na building. Ang building na iyon ay malapit na sa kanilang tirahan. Mga 15 minutes lakarin. Tinungo niya ang direksiyon ng building. Kumanan siya at nakita ang isang kalsada. Sa dulo ng kalsada ay ang tirahan nila. Takbo uli.
Hanggang sa makarating siya sa tirahan. Pero bago siya nakapasok sa loob, narinig niya ang paparating na mga mobile car. Nasundan pa rin siya. Isinara niya ang gate.
Nagmamadali siyang nagtungo sa kuwarto ni Manong Wen. Ito lamang ang makakatulong sa kanya.
Kinatok niya ang pinto. Malakas. Sunud-sunod. Tinawag niya ito. Binuksan ni Manong Wen. Pumasok agad siya. Gulat si Manong Wen at tinanong siya kung ano ang nangyari. Sinabi niyang hinahabol siya ng mga pulis!
(Itutuloy)
- Latest