EDITORYAL - Nasaan na ang mga pulis?
NAGING panauhing pandangal ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang 113th anniversary kamakailan si President Noynoy Aquino. Bahagi ng talumpati ni P-Noy ay eto: “Bilang mga alagad ng batas, malinaw ang inyong responsibilidad: Ang ipagtanggol ang ating mga kababayan at maipadama sa mga kriminal na hindi nila matatakasan ang katarungan; na sa oras na makalap natin ang sapat na ebidensya, sa oras na mahuli natin sila sa akto, mararamdaman nila ang lakas ng estado.”
Ang ganda ng talumpati ng Presidente na responsibilidad ng mga alagad ng batas na ipagtanggol at protektahan ang mamamayan sa mga criminal. Pero nagagawa kaya ito ng PNP? Naipagtatanggol kaya nila ang mamamayan sa mga kuko ng criminal o hanggang ngayon, wala pa rin silang naipagkakaloob na tulong sa mga nabibiktima ng mga masasamang-loob? Nakikita na ba sila sa kalye lalo na sa kalaliman ng gabi o gaya pa rin ng dati na iba ang kanilang pinagkakaabalahan --- pera-pera lang.
Kung nagpapatrulya sila, sana naaktuhan nila ang lantarang panghoholdap ng dalawang lalaki sa isang estudyante sa Recto Avenue noong Huwebes. Naglalakad ang estudyante nang akbayan ng dalawang holdaper at hinoldap. Natangay ang cell phone at pera ng estudyante. Nasaan ang pulis? Ang Recto Avenue ay mataong lugar. Narito ang karamihan sa mga unibersidad. Armado ang mga holdaper kaya hindi natulungan ng mga tao. Kung may pulis, nahuli at napatay sana ang dalawang holdaper.
Naalala namin ang pangako ng PNP noong magselebreyt sila ng 112th anniversary noong nakaraang taon. Ipinangako ng PNP na sa loob ng 15 minuto ay makakapagresponde na raw sila sa krimen. Kapag daw natanggap nila ang tawag o report, agad silang reresponde at sa loob ng 15 minuto ay nasa crime scene na sila. Pangako rin na dadagdagan ang mga pulis na nagpapatrulya. Magkakaroon din daw ng police cars para lubusang magampanan ang paglilingkod sa mamamayan.
Isang taon ang nakalipas at wala pa ring pulis na nagreresponde sa mga nabibiktima ng mga kawatan. Nasaan ang mga pulis na magtatanggol sa mamamayan?
- Latest