EDITORYAL – Maraming nasasayang na kanin
OBSERBAHAN ang mga kumakain sa restaurants, fastfoods, canteens at cafeterias, marami sa kanila ang hindi nauubos ang inorder na kanin. Kapag kinolekta ang mga pinagkainan, swak sa basurahan ang mga natirang kanin. Kahit pa ang mga hindi nabawasang inorder na kanin ay itatapon na rin. Sayang na sayang!
At mas lalong maraming nasasayang na kanin sa mga restaurant na nagsi-serve ng libreng kanin o unlimited rice. Walang patumangga kung magpasalin ng kanin pero hindi naman pala uubusin. Sa kasalukuyan, maraming restaurants ang may gimik na “unlirice”.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, bawat Pilipino ay nag-aaksaya ng dalawang kutsarang kanin sa oras na sila ay kumain. Kapag pinagsama-sama ang mga naaaksayang kanin aabot iyon sa halagang P6.2 billion sa loob ng isang taon. Nangyari na raw ito noong 2010 kung saan ang nasayang na kanin ay maaaring makapagpakain ng 2.6 milyong Pinoy. Napakarami raw naaaksayang kanin kaya nagkaroon ng kampanya noon na huwag maging bulagsak sa kanin. Ang pag-aaksaya ay isang dahilan kung bakit hanggang ngayon, patuloy sa pag-angkat ng bigas ang bansa. Hindi makasapat ang ani sa bansa. Kung hindi mawawala ang pagbubulagsak, magkakaroon ng kakapusan at marami ang apektado.
Maganda naman ang ipinasang batas sa Maynila kung saan, magsisilbi na ng kalahating cup ng kanin ang mga restaurants, fastfood chains, canteens at iba pang establishments na may kaugnayan sa pagkain. Maari nang makapamili ang customer sa oordering dami ng pagkain. Ang hindi susunod sa batas ay may katapat na parusa. Bago ang Maynila, ipinasa na rin ang half-rice bill sa Quezon City. Dapat sumunod na rin ang iba pang city para wala nang nasasayang na kanin. Yung tama lamang ang oorderin.
- Latest