Manong Wen (15)
“Edi okey na sa’yo na habang nagbibibingka ka ay nag-aaral?” tanong ni Jo kay Princess na noon ay parang hindi makapaniwala sa suwerteng dumating.
“Opo, Mang Jo, okey na po sa akin. Pero hindi po ba nakakahiya na pag-aaralin mo ako at bibigyan din ng puhunan sa pagbibibingka?”
“Wala kang dapat alalahanin, Princess. Nagbabayad lamang ako ng utang na loob kay Manong Wen.’’
“Bakit po? Ano pong utang na loob?’’
Ikinuwento ni Jo ang nangyari sa kanila ni Manong Wen sa Saudi noong magkasama pa sila. Ipinagtanggol siya nito.
“Napakabait sa akin ng tatay mo Princess. Parang kapatid ko na siya.’’
“Kaya po pala gusto mo kaming tulungan.”
“Oo. Kaya nga huwag kang mag-alala o mahihiya sa akin. Tutulungan ko kayong magkapatid hanggang sa makatapos at gumanda ang buhay.’’
“Kung buhay po si Tatay, matutuwa yun.’’
“E kung buhay naman siya, gagawin ko ba ito. Siyempre kung buhay siya e di siya ang magpapaaral sa inyo.”
“Ay oo nga pala, he-he!”
“Kaya sa susunod na school year ay mag-eenrol ka na. Di ba third year ka na?”
“Opo.’’
“Anong course mo?”
“Business Administration po.’’
“Aba talagang mahilig ka sa business. E di kabisado mo ang monkey business?”
Napahagikgik muna si Princess bago sumagot. “Hindi po. Bibingka business lang po ang alam ko.’’
“Aba huwag kang gagawa ng monkey business, tama na yang bibingka business.’’
“Oo nga po.’’
“Teka nga pala, ipakita mo nga sa akin kung paano ginagawa ang bibingka.”
“Sige po. Halika po sa dirty kitchen. Ipakikita ko po kung paano iluto ang bibingka.’’
Nagtungo sila sa dirty kitchen. Nakita ni Jo ang tatlong kalan. May tatlong hulmahan na singlaki ng bandehado. Nilagyan ni Princess ng tinimplang galapong ang mga hulmahan. May sapin na dahon. Pinagbaga ang ilalim ng mga kalan. Pagkaraan ay ipinatong ang hulmahan na may lamang galapong. Tinakpan iyon ng lata at saka pinatungan ng nagbabagang bunot ng niyog.
“May apoy sa ilalim at sa ibabaw.”
“Opo. Para pantay ang luto.’’
(Itutuloy)
- Latest