Mga mahahalagang aral
…mula sa Mayayamang Pinoy:
ANG suweldong P7,000 kada buwan noong 1985 sa isang pampublikong ospital bilang doktor ang nagtulak kay Dr. Rolando Hortaleza para pasukin ang pagnenegosyo. Lumalaki ang kanyang pamilya at nais niyang magkaroon ng mas malaking pagkakakitaan. Ang pinuhunan niya ay ang P12,000 na natanggap nilang cash gift noong ikinasal sila. Binayaran niya ang kanyang pinsan ng P5,000 na marunong magtimpla ng cuticle remover. Naalaala pa ni Dr. Hortaleza na nangangapa pa sila noon at dinadaan ang lahat sa manwal. Ang cuticle remover ay tinitimpla sa drum. Mula sa drum ay ililipat nila ang produkto sa maliliit na bote gamit ang tabo. Kumuha lang sila ng isang all-around assistant. Magkatulong silang mag-asawa sa pagsisilid ng cuticle remover sa maliliit na basyong bote ng gamot. Ang bote ay binibili nila sa magbobote-garapa. Ang kanyang misis ay isa rin doktor na buo ang suporta sa kanyang “pagbabaka-sakali”. Bukod sa cuticle remover, nagre-repack din sila ng acetone. Bumibili sila ng malakihang volume ng acetone at saka nila ilalagay sa maliliit na bote. Dinadala nilang mag-asawa ang mga produkto sa Divisoria gamit ang Harabas van. Sa unang taon ng kanilang operation, ang kanilang pagtitiyaga ay nagbunga ng P100,000.
Noong 1987, gumanda ang takbo ng kanilang negosyo nang nagsimula na silang gumawa ng hair spray. Pinangalanan nila ang kompanya ng Hortaleza Cosmetic pero pinalitan ng Splash Cosmetics na naging Splash Corporation. Tumaas ang benta ng kompanya na umabot sa isang milyon. Naging sophisticated ang kanilang technology noong 1993. Ang nag-iisang all-around assistant ay lumaki sa mahigit na isang libong empleyado. Nagtayo sila ng pabrika sa Valenzuela, Bulacan at sa Jakarta Indonesia.
Ayon kay Doktor na nakaugaliang tawaging Kuya ng mga empleyado, ang simpleng formula sa kanyang tagumpay: Tiyaga at malakas na pananampalataya na kikita ang iyong negosyo kahit sa umpisa ay pabarya-barya lang. Anak siya ng may-ari ng Hortaleza Vaciador na nakilala sa paghahasa ng gunting at mga instrumentong ginagamit sa barber shop at beauty parlor.
- Latest