Aso, naghintay ng 1 taon sa pag-asang babalik ang namatay na amo
SI Woody ay abandonadong poodle na na-rescue ng Hope for Paws, isang grupong nagmamalasakit at umaaruga sa mga hayop sa Amerika.
Nang mamatay ang amo ni Woody, ipinagbenta ng pamilya nito ang kanilang bahay at inabandona na ang kawawang poodle. Walang kaalam-alam si Woody na namatay na ang kanyang amo kaya sa halip magpalaboy-laboy, namalagi siya sa kalapit na silong sa pag-asang babalikan siya ng kanyang amo.
Isang taon nang naghihintay si Woody sa yumaong amo nang matagpuan ng Hope for Paws. Payat na payat at hinang-hina ang aso nang matagpuan. Wala na itong ganang mabuhay dahil tinatanggihan ang mga pagkaing iniaalok sa kanya ng mga sumagip. Kaya minabuti ng grupo na saksakan ito ng dextrose upang hindi tuluyang manghina.
Nang lumaon ay bumalik din ang sigla ni Woody at natuto na ulit itong makisalamuha sa tao. Naging maayos na rin ang kalusugan nito sa tulong ng maayos na pag-aaruga ng mga pansamantalang kumupkop sa kanya.
Ngayon ay naghahanap na ang Hope for Paws ng permanenteng mag-aampon kay Woody.
- Latest