‘No money...no honey’
KASABAY ng pagkawala sa paningin ng tinatanaw na eroplano ang pagkaputol ng pakpak ng kanyang mga pangarap.
“Nag-abroad siya na kami ang dahilan, nakatikim ng kaunting ginhawa kami naman ang kinalimutan,” simula ni Geleen. Sa halip na tumanggap ng padala kada buwan at alagaan ang mga anak, kinakailangan pa ni Ma. Gelene Acoymo, 39 taong gulang na pasukin ang iba’t-ibang trabaho maitaguyod lang ang mga ito.
“Pagkain pa lang namin araw-araw nahihirapan na ako. Nag-aaral pa mga anak ko,” wika ni Geleen.
Pabalik-balik na sa Saudi ang asawa niya na si Bonifacio Acoymo Jr.-40 ngunit tila mag-isa lang siyang inaasahan ng mga anak. Kwento niya sinamahan niya pa daw ang mister noon na maghanap ng bagong ahensiya para makabalik ng Saudi. Nakita nila ang Al Rafedain Manpower Agency sa may Padre Faura, Manila. “Trailer driver daw ang magiging trabaho niya,” ayon kay Geleen. Ika-14 ng Pebrero 2013 nang umalis ito ng bansa. Mula nun nagtatawag-tawagan na lang sila ng mister upang magkamustahan.
“Pagkaraan ng ilang buwan sabi niya nakulong daw yung iba niyang kasamahan. Hindi din daw ibinibigay ang basic pay na napagkasunduan nila ng employer,” salaysay ni Geleen. Nung unang mga buwan limang libo hanggang sampung libong piso ang pinapadala sa kanya ng mister. Nang sumapit ang Disyembre 2013 wala na silang natanggap.
“Sabi niya wala daw kasi siyang kita kaya’t walang maibigay sa akin,” wika ni Geleen. Sa pagkakaalala ni Geleen 1,900 Riyals ang magiging sahod ni Bonifacio doon. Malaking tulong kung iisipin ngunit nitong huli wala na siyang perang natatanggap. Pinoproblema na ni Geleen ang panggastos sa anim niyang anak lalo pa’t nagsimula na ang pasukan.
“Yung isa kong nasa kolehiyo natigil na sa pag-aaral. Dati nagtitinda-tinda ako ng mga direct selling kaya naitatawid ko pangangailangan namin pero ngayon wala na,” kwento ni Geleen. Ayon pa sa mister nagdemanda na daw ito sa Labor sa Saudi ngunit hanggang ngayon wala pang resulta.
“Wala naman kaming problema. Akala ko uunlad kami dahil sa pag-aabroad niya,” sabi ni Geleen. Nakausap niya daw si Bonifacio at ipinaabot ang kanilang pangangalaingan. Ayon dito baka Abril makapagpadala na siya. Inaayos lang daw nito ang kaso laban sa employer dahil hindi ito tumutupad sa kontrata. Hindi daw naibibigay ang bayad kada biyahe nito at ang buwanang sahod. “Ang nabanggit niya panay utang na daw siya dun. Hindi naman siya nagkukwento nung nagsimula ang problema,” ayon kay Geleen. Hiling ni Geleen kung ganun lang din naman ang sitwasyon ng kanyang asawa at pareho silang mag-aabang sa wala sana’y umuwi na lang ito.
“Kung nandito siya magagabayan niya ang mga anak namin at matutulungan niya akong maghanap buhay. Php4,840 lang ang sahod ko kada buwan bilang environmental volunteer,” kwento ni Geleen.
Sa pakikipag-usap niya sa kanyang mister kinukutuban niyang nagsisinungaling umano ito. Lagi nitong sinasabing walang sweldo at walang biyahe. Kapag tinatawagan niya abala daw ito sa trabaho kaya’t hindi siya makausap. Maging ang isa nilang anak ay sinubukang makipag-usap sa ama sa pamamagitan ng Facebook.
“Pa magka-college na si Ate at si Kuya. Mapag-aaral niyo po ba sila?” tanong ni Mae-14 sa ama. Isang linggo silang naghintay bago ito sumagot. “Hindi ko alam anak kung mapag-aaral ko sina ate at kuya mo. Hirap ako dito,” sagot ni Bonifacio.
“Sabi ko kung hirap ka diyan mas hirap kami dito. Palagi niya na lang sinasabi na tiis tiis ka lang anak,” pahayag ni Mae. Dagdag ni Geleen kung sakaling may iba na itong pamilya sana’y sustentuhan niya na lamang ang kanilang mga anak. Sa Pebrero 14, 2015 magtatapos ang kontrata ng kanyang mister. Nais ni Geleen na masiguro kung totoo ba ang sinasabi ng kanyang mister na hindi nga ito sinasahuran ng employer. Gusto niya ring malaman kung may ibang pamilya na ba ito roon. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Geleen.
BILANG TULONG in-email namin sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Ussec. Rafael Seguis ang lahat ng detalye tungkol kay Bonifacio.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tulad ni Bonifacio marami sa mga haligi ng tahanan ang sumusubok na magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Hindi natin lubusang alam kung ano nga ba ang nangyari kay Bonifacio kung bakit hindi niya na nasusuportahan sina Geleen. Kung totoong hindi nga sila sinasahuran ng kanilang employer may sapat siyang dahilan upang unawain siya ni Geleen. Tama ang ginawa niya na siya’y nagreklamo sa Department of Labor sa Saudi Arabia at hihilingin namin kay Ussec. Seguis at pati na rin kay Consul Gen. Ezzedin Tago na tulungan siya sa kanyang ‘legal battle’ laban sa kanyang employer. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
- Latest