Lalaki at alagang aso, nakaligtas matapos mabaon sa niyebe ng 3 araw
ISANG 31-anyos na lalaki sa Indiana at alaga nitong aso ang nakaligtas matapos ma-stranded sa lansangan dahil sa sama ng panahon. Nabaon sa niyebe ang kanilang sinasakyang SUV sa loob ng tatlong araw.
Ang lalaki ay si Jason Sede. Patungo siya sa Colorado kasama ang aso nang abutan ng pag-ulan ng niyebe. May isang residente na nagpayo sa kanyang dumaan sa isang shortcut upang mapabilis ang kanyang paglalakbay ngunit iyon pala ang magiging sanhi ng kanyang kakaharaping kalbaryo.
Dahil hindi pamilyar sa ‘shortcut’ na itinuro, nagkandaligaw-ligaw si Jason. Lumakas pa ang pag-ulan ng niyebe na naging sanhi ng pagtirik ng kanyang sasakyan sa gitna ng lansangan. Malayo sa bayan at sa mga kabahayan ang lugar kaya minabuti na lamang niyang pumirmi sa loob ng kanyang sasakyan kaysa mamatay sa lamig. Hanggang sa unti-unting nabaon sa niyebe ang SUV na sinasakyan ni Jason at kanyang aso.
Na-stranded sina Jason ng tatlong araw sa loob ng kanyang sasakyan at nabuhay sa pag-inom ng softdrinks na kanyang baon. Nang maubos ang sofdrink, ininom niya ang niyebe na nakapalibot sa kanila sa pamamagitan ng pagtunaw nito gamit ang kanyang lighter.
Pagkatapos ng tatlong araw, lakas loob na lumabas si Jason sa sasakyan upang humingi ng saklolo. Iniwan niya ang aso dahil baka hindi nito kayanin ang lamig.
Naglakad ng 11 kilometro si Jason bago nakatagpo ng motoristang nahingan niya ng tulong. Wala namang pinsalang tinamo sa katawan si Jason mula sa pagkakabaon sa niyebe. Nakaligtas din ang aso niyang naiwan sa sasakyan matapos sunduin ng mga sumaklolo kay Jason.
- Latest