Ang Domestic Helper
MAY babaing hiwalay sa asawa at walang anak. Baog kasi siya kaya hiniwalayan ng asawa. Ang babae’y inip na inip sa kanyang buhay kaya naisipan niyang mag-aplay na domestic helper sa Saudi. Sa madaliang kuwentuhan, ang babae’y natanggap na domestic helper at nakarating sa Saudi.
Pagkatapos ng apat na buwan ay bumalik ang babae sa Pilipinas na may benda ang ulo. Masungit daw ang amo niya at santambak ang trabaho sa bahay. Tatlong oras lang ang tulog niya sa tuwina. Nang magpaalam na gusto na niyang bumalik sa Pilipinas ay hindi siya pinayagan ng amo. Kaso uwing-uwi na ang ale. Hindi siya mayaman pero hindi siya sanay sa mahihirap na gawaing bahay. May naisip siyang paraan.
Isang umaga ay buong tapang niyang iniuntog ang kanyang ulo sa pader ng dalawang beses. Naku halos mangatog sa takot ang kanyang among babae nang makitang duguan ang kanyang ulo. Dinala muna siya sa ospital para malapatan ng first aid ang kanyang nagputok na ulo. Tapos walang sabi-sabi na ibinigay sa kanya ng amo ang passport. Pagkaraan ng ilang araw na pagtigil sa ospital ay inasikaso ng amo ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Natakot ang amo na baka siya magpakamatay ay madamay pa sila.
Pagkaraan ng isang taon matapos ang insidenteng iyon ay heto na naman ang babaeng walang kadala-dala. Nag-aaplay na namang domestic helper pero sa Hongkong naman. Sinuwerte na naman ang ale at natanggap na muli sa pinag-aaplayan. Ilang beses siyang nagpabalik-balik sa Hongkong dahil sinuwerteng makakuha ng mababait na amo. Pero isang problema ang umusbong, nagkaroon ng komplikasyon ang kanyang ulong iniuntog niya sa pader. Iyon ang simula ng paghina ng katawan ng ale at nang maglaon ay iyon ang kanyang ikinamatay. Nanghihinayang ang mga kamag-anak dahil malaki na ang suweldo nito at mabait pa ang mga amo. Ginawa raw itong personal secretary ng among babae. Ayaw pa nga raw umuwi sa Pilipinas ng ale ngunit pinilit itong pauwiin ng amo dahil sa sobrang pangangayayat. Bago namatay ay nasabi raw ng ale sa kanyang pamangkin: “Noon, gusto kong umuwi pero ayaw akong pauwiin. Ngayon naman, ayaw kong umuwi pero sapilitan akong pinauwi.â€
- Latest