‘Lisensya’
NABABAHALA daw ang Land Transportation Office (LTO) sa pagdami ng insidente ng road rage lalo na ngayong tag-araw.
Ito ang estado o pagiging mainitin ng ulo ng mga motorista dala ng init ng panahon, mga problemang personal, emosyunal, saykolohikal, pinansyal at mga kauri nito, at kakulangan ng tulog at pahinga ng mga nagmamaneho ng sasakyan.
Posibleng mauwi sa pisikal at madugong komprontasyon ang road rage sanhi ng mga sagian at gitgitan sa lansangan.
Para sa LTO, nakakapagtaka ang pagtaas ng bilang ng mga nasasangkot sa road rage.
Ang siste, maraming mga hindi karapat-dapat na magmaneho ng sasakyan sa lansangan, nabibigyan ng lisensya.
Kahit walang sapat na ekperyensya at kaalaman sa pagmamaneho, nakakapasa, nagkakaroon ng driver license. Binibili nalang yata ang lisensya ngayon lalo na sa mga probinsya.
Naniniwala ang BITAG na ang disiplina ng isang bansa, unang-unang nakikita sa lansangan. Simula sa mga tumatakbong sasakyan hanggang sa pagsunod sa mga batas-trapiko.
Ang problema, kahit na mga nagpupugak-pugak na at mga naglalabas na ng maiitim na usok na sasakyang hindi na dapat pinatatakbo pa, ipinambibiyahe pa rin.
Maraming mga balasubas at sigang mga kulebra sa lansangan na nakikipag-unahan sa mga sasakyan, hindi nahuhuli. Kaya umiinit tuloy ang ulo ng taumbayan. Dito pumapasok ang road rage.
Kaya kayo dyan sa LTO at LTFRB, huwag na kayong magtaka pa kung bakit tumataas ang road rage incident. Pag-igihin ninyo nalang ang pagbibigay ng mga lisensya at plaka.
Walisin ang mga tumatakbong kolorum at mga smoke belcher na panahon pa ni kopong-kopong. Mabuting tupiin nalang yan at gawing bakal.
Isa rin kasi sa mga problema sa ilan sa ating mga kababayan at gahamang negosyante, binibili ang “basura†ng ibang bansa. Kinukumpuni at nire-recycle ang mga parte ng sasakyan para gawin ulit na sasakyan tulad ng mga pampasaherong bus. Bukod sa luma na, nalalagay tuloy sa alanganin ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapakinggan at napapanood tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest