Babae, tumakbo sa marathon nang naka-wedding gown para makahanap ng mapapangasawa!
ISANG babae ang umani ng atensiyon sa Brooklyn Half Marathon matapos tumakbo suot ang isang wedding gown habang naghahanap umano ng potensiyal na asawa.
Ang kalahok ay kinilalang si Tess Tregellas, 28, isang standup comedian sa Brooklyn, New York.
Sa halip na unahin ang kompetisyon, ginamit ni Tregellas ang patakbo bilang performance piece.
May suot siyang wedding gown na may karatulang “Just hopeful” sa likod, isang inside joke sa tradisyunal na “Just Married” sign sa mga kasalan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tumakbo siya ng naka-gown. Ginawa na rin niya ito sa parehong event noong nakaraang taon.
Ayon sa mga ulat, hindi siya nakatagpo ng kapareha sa naturang araw ngunit nakuha niya ang atensiyon nang maraming tao at kapwa kalahok.
Bahagi rin ito ng kanyang paghahanda para sa isang solo comedy show sa New York na tumatalakay sa mga hamon ng pakikipag-date sa makabagong panahon.
Sa kabila ng hindi pangkaraniwang kasuotan, nagsilbing simboliko ang ginawa ni Tregellas ng mga hamon sa paghahanap ng kapareha sa gitna ng makabagong kultura ng pakikipagrelasyon.
- Latest