Lalaki, nakaligtas matapos sakmalin at lulunin ng pating
SI Eric Nerhus, 41, diver mula Australia. Isang araw noong 2007, sumisisid siya sa baybayin ng Cape Howe para manguha ng lamandagat. Professional diver si Eric at kumpleto siya sa mga moÂdernong kagamitan kaya hindi niya inaasahan ang peligrong mararanasan nang araw na iyon.
Habang nasa lalim na 30 talampakan, biglang may sumakmal sa kanyang higanteng pating na may 12 talampakan ang laki. Walang kahirap-hirap na nilulon ng pating ang itaas na bahagi ng katawan ni Eric kasama ang isa niyang braso.
Ayon kay Eric, pakiramdam daw niya ay napunta siya sa loob ng isang madilim na kuweba nang sakmalin ng paÂting. Naramdaman din niya ang higpit ng mga panga nito. Buti na lamang at suot niya ang kagamitan sa pag-dive na gawa sa metal kaya naprotektahan siya sa matatalim na ngipin ng pating. Kung hindi niya suot ang mga kagamitan tiyak nahati ang kanyang katawan.
Ganoon man, nadurog pa rin ang kanyang suot na helmet at nabasag ang ilong dahil naipit sa loob ng bunganga ng pating. Pero malinaw pa rin ang pag-iisip ni Eric sa kabila ng kahindik-hindik na sitwasyon. Gamit ang kanyang braso at kamay na hindi nasakmal ng pating, kinapa niya kung nasaan ang mata ng pating at gamit ang matalas na bagay, sinaksak niya ang mata nito.
Noon siya pinakawalan ng pating matapos ang dalawang minutong pagkakasakmal sa kanya. Sinikap niyang lumutang paitaas. Sinaklolohan siya at isinugod sa ospital.
Ayon sa mga eksperto, maaaring napagkamalang dugong si Eric kaya sinakmal ng pating. Ang mga dugong ang karaniwang pagkain ng mga pating.
Ayon naman kay Eric, babalik uli siya sa pagsisid sa kabila ng pangyayari. Kailangan lamang daw ang tamang pag-iingat at pag-respeto sa teritoryo ng mga mababangis na hayop tulad ng pating.
- Latest















