Holdaper, bugbog-sarado sa bulag na hinoldap; Judo expert pala!
HINDI akalain ng isang 17-anyos na holdaper na ang mabibiktima niyang bulag na pulubi ay isa palang eksperto sa judo. Kung hindi dumating ang mga pulis baka nagkabali-bali ang kanyang mga buto.
Nangyari ang panghoholdap sa train station sa bayan ng Giessen, Germany. Naispatan ng holdaper ang bulag na pulubi na nakaupo sa station. Inakala marahil ng holdaper na madali niyang maisasagawa ang panghoholdap dahil hindi nakakakita ang kanyang bibiktimahin.
Sigarilyo naman ng bulag ang gustong kunin ng holdaper. Nilapitan ito ng holdaper at tinakot saka kinuha ang sigarilyo. Pero hindi pa nasiyahan ang holdaper, inundayan pa ng mga suntok ang biktima.
Dito na gumanti ang bulag na pulubi. Mabilis niyang nahawakan ang braso ng holdaper at pinilipit papunta sa kanyang likuran at saka tinuunan ng tuhod ang likod upang mapadapa sa semento. Hindi nilubayan ng bulag ang holdaper at nanatili sa ganoong puwesto hanggang dumating ang mga pulis. Inaresto ang holdaper.
Nagkamali ng biniktima ang holdaper. Hindi pala pangkaraniwang bulag na pulubi ang nadale niya. Ang bulag ay nakila-lang si Michael Esser, naging world champion sa judo.
Ayon sa mga pulis na rumesponde, naabutan nilang nakadagan si Esser sa walang kakilos-kilos na holdaper. Tumanggi namang magpadala sa ospital si Esser para gamutin ang ilang sugat na natamo sa pakikipagbuno sa holdaper. Mali-late diumano siya sa isang salo-salo na kanyang dadaluhan.
- Latest