VP Binay, ipasara mo ang Universe Girls Club!
MATAPOS ang umuusok at sunud-sunod na raid na isinagawa ng Inter-Agency Council Against Trafficking laban sa prostitution dens at beerhouses at nightclubs na may aquarium at malalaswang palabas sa buong bansa nitong nagdaang mga taon, bakit tahimik na ang IACAT ni Vice President Jojo Binay? At habang tumatahimik ang IACAT ni Binay, kumakalat naman ang balitang naka-payola na ang mga na-raid nilang establisimiento sa kanilang opisina. Medyo nagkaroon ng basehan ang akusasyon, ayon sa mga kosa ko, dahil halos lahat namang na-raid na establishment ng IACAT ay bukas pa din. Anyare Vice. President Binay Sir?
Kung may record ka Vice President Binay Sir, pasyalan mo ang lahat ng na-raid ng IACAT at makita ng dalawang mata mo ang katibayan. Sa ngayon kasi, ang suspetsa ng mga kosa ko ay ginagamit ni Binay ang IACAT para makakalap ng pondo o war chest sa darating na 2016 elections. Maaring nag-iba ng pangalan ang mga na-raid na estalishments Vice President Binay Sir subalit ganun pa rin ang negosyo nila --- ang magbenta ng laman. Kilos na Vice President Binay Sir bago bumaba ang tsansa mong manalo sa darating na national elections. Mismo!
At ang isang halimbawa ng na-raid na establishment na ni-raid ng IACAT na bukas na naman sa ngayon ay itong Universe Girls Club na makikita sa kanto ng F.B. Harrison at Libertad Sts., sa Pasay City na halos 100 metro lang ang layo sa City Hall. Dati-rati ang pangalan nitong Universe Girls Club ay Miss Universe na nagsara matapos mahulihan ng IACAT ng halos 100 empleado, kabilang na ang ilang menor de edad. Pinalitan lang ng pangalan at hayun...balik na naman sa dating gawi-ang magbenta ng aliw at laman. Bakit hindi balikan ng IACAT ang naturang lugar? Aba si Vice President Binay na ang dapat tumuklas kung magkano...este kung ano ang dahilan, di ba mga kosa? Mismo!
Sa totoo lang, nag-aaway ang mga Hapones na Susuki brothers at Kenjie Akiba kung sino sa kanila ang may karapatang magpatakbo ng Universe Girls Club. Kahit sino pa ang may-ari nitong establisimento na ito na iniiwasan na ng IACAT, ang maliwanag ay nandun pa rin naman ang dating mga empleado na sina Jackie Ramos at Tony Bufete na sa malaswa kumikita. Sina Ramos at Bufete, Vice President Binay Sir, ang nagyayabang na hindi sila gagalawin ng IACAT sa ngayon dahil kumpleto ang kanilang lingguhang intelihensiya pati na sa CIDG, NCRPO, Pasay City police, NBI, GAB at sa opisina ni Mayor Tony Calixto. Aba, bagyo pala ang kapit nitong sina Jackie Ramos at Tony Bufete kaya hindi binibigyan ng pansin ng mga awtoridad ang kanilang illegal na gawain, di ba mga kosa? Tiyak yun! Hehehe! Kanya-kanyang raket lang ‘yan!
Bago mag-umpisa ang operation nila, lugi na itong Universe Girls Club dahil sa P5,000 tara para kay Erik Utal. Si Erik Utal pala ang nag-ayos ng upa ng mga Hapones sa dating may-ari na si William Sy kaya meron siyang arawan. Ipasara mo na ang Universe Girls Club Vice President Binay Sir para lalong umangat ang tsansa mo para maging Presidente ng bansa! Abangan!
- Latest