Disneyland!
WEIRD yata akong bata. Lumaki akong hindi naglaro ng Barbie, o nahilig sa cartoons. Ni hindi ko pinangarap ang makapunta sa Disneyland. Hanggang sa magkaanak ako. Nang magkaroon ako ng Gummy, parang ngayon pa lamang ako nagkakaroon ng childhood - second childhood ko nga kung tawagin. Nitong nagdaang linggo ay niregaluhan ko siya ng trip to Disneyland, sa tulong siyempre ng aming paghuhurno at pagkakapanalo sa Bet on Your Baby, lalo na mula sa mga guestings at regular shows ko sa GMA 7. Hindi biro ang gastusin kaya kalahating taon kong pinag-ipunan. Worth it naman ang bawat pisong ginastos para sa kanyang birthday celebration dahil hindi matatawaran ang galak na dinala nito sa kanya, pati na rin sa akin. Talaga ngang Disney lang ang happiest place on Earth!
Napakalaki at napakalawak ng Disneyland, kaya pala sa hiwalay na isla ito itinayo. Magkakalayo at iba-iba ang tema ng bawat bahagi ng parke depende sa mga kuwento at Disney characters sa likod ng mga ito. Halimbawa, sina Lion King ay talagang jungle ang hitsura ng park, samantalang sa mga Prinsesa naman tulad nila Cinderella at Snow White ay pink na kastilyo. Kay Buzz at Woody naman ng Toy Story ay talagang mga life-size na mga laruan ang display at inspirasyon sa likod ng mga rides. Siguro ang bawat isang section ay kalahati lamang ng Enchanted Kingdom.
Maayos ang sistema hindi lamang sa rides, kundi maging sa pagpapalitrato sa mga mascot at Disney Princesses at iba pang tauhan. May pila at may oras. Kapag inabutan ka ng cut-off, pasensiya. Kahit anong pagmamakaawa mo ay hindi sila papayag. Hindi dahil wala silang awa kundi nagiging patas lamang sila sa lahat ng hindi napagbigyan, gayundin para naman makapagpahinga ang mga mascot. Aba, hindi biro ang mag-aliw ng mga bata. Pinakamahirap ang trabaho ng prinsesa dahil mga tao sila talaga, na nagsasalita at nakikipag-usap sa bawat isang magpalitrato sa kanila. At kailangan sa lahat ng pagkakataon ay mala prinÂsesa ang kanilang kilos at ngiti. Si Gummy nga ay hinalikan pa ni Belle dahil birthday niya! Hanga ako sa kanila.
Kahanga-hanga ang kanilang grand parade na araw-araw ay ginagawa nila tuwing alas kuwatro ng hapon! Napakahusay ng mga float at pagsasayaw ng mga dancers na karamihan ay mga Pilipino! Napakamakulay at kakaiba. Gayundin ang kanilang fireworks display tuwing 8:00 gabi-gabi. Mula sa malayo, tanaw ang kastilyo ng mga Disney Princesses at doon umiilaw ang lahat ng paputok. Sabay sa musika.
Nakakaloka ang give-aways. Kay gaganda at napakaraming pagpipipilian! Iyon nga lamang talagang may kamahalan. Ang pinakamura yatang nadampot ko ay 45 HK dollars, magnet na sa atin ay nagkakahalaga ng mahigit sa P300.00. Kailangan lamang ay sapat ang oras mong mamili at magpasya dahil baka makakita ka pa ng mas maganda pa kaysa sa hawak mo na.
Ipinagpapasalamat ko sa Diyos ang biyayang ipinagkaloob niya sa aming pamilya upang mapaghandaan ang ganitong bakasyon. Thank you Lord! Sana ay naging happiest ka, anak sa happiest place on earth! Happy Birthday ulit!
- Latest