EDITORYAL - Speed limiter sa bus
MAY bagong solusyon ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maiwasan ang sunud-sunod na aksidente sa bus. Lalagyan na umano ng speed limiting device ang lahat ng pampasaherong bus lalo na sa Metro Manila. Ayon sa LTFRB, kapag may speed limiter na ang bus, hindi na makapagpatulin ng takbo ang drayber. May itatakdang bilis ang LTFRB. Kapag daw lumampas sa takdang bilis, tutunog ang speed limiter. Ito ang hudyat para magpabagal ang drayber sa pagpapatakbo. Sa ganitong sitwasyon, maiiwasan ang aksidente. Sa Mayo 1, 2014 daw sisimulan ang speed limiter.
Maganda naman ang naisip na ito ng LTFRB at sana ay eto na nga ang sagot para maiwasan ang sunud-sunod na aksidente sa Metro Manila at maging sa mga probinsiya. Noong Pebrero 7, nahulog sa isang bangin sa Bontoc, Mountain Province ang Florida Bus na ikinamatay ng 14 na pasahero kabilang ang komedyanteng si Tado. Mabilis umano ang bus kahit palusong at nasa kurbadang bahagi.
Noong Disyembre 16, 2013, nahulog naman sa Skyway ang Don Mariano Transit Bus na ikinamatay ng 18 pasahero. Ayon sa mga nakaligtas na pasahero, mabilis ang takbo ng Don Mariano na naging dahilan para mawalan ng preno at dumayb sa Skyway. Sinuspende ng LTFRB ang prankisa ng Don Mariano. Hindi na sila makabibiyahe kahit kailan.
Sana nga, solusyon na ang speed limiter para mabawasan ang mga aksidente. Ang tanong, kailangan bang lagyan din ng speed limiter ang mga bus na ang drayber ay disiplinado at nasa katamtaman ang pagpapatakbo? Gagastos pa ba ang kompanya ng bus sa mga speed limiter kahit disiplinado at marahang magpatakbo ang drayber? Sa aming paniwala, dapat ang maghigpit ay ang LTO at mismong may-ari ng bus company. Piliin at idaan sa matinding training ang mga drayber bago i-hire ng kompanya. Huwag namang bigyan agad-agad ng professional driver’s license ang mga aplikante. Isailalim muna sa masusing pagsasanay sa pagmamaneho.
- Latest