Kailangan na ba ng ibang planeta?
KUNG iisipin ang mga nangyayari sa daigdig --- pagkasira ng kapaligiran, polusyon sa hangin, karagatan, kalupaan, lumalaking populasyon, mga kalamidad at global warming, maitatanong kung kailangan na nga ba natin ng bagong titirhang planeta?. Bukod pa ang ibang mga problemang tao rin ang may gawa tulad ng mga giyera, katiwalian, kriminalidad, terorismo, pang-aapi, pang-aabuso sa kapwa, kagutuman at kahirapan.
Kaya hindi rin kataka-taka kung bakit napakarami ring mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo ang naakit sa imbitasyon ng mga pribadong space companies sa paglahok sa space exploration. Noong nakaraang taon, may napiling unang astronaut na Pilipino na tutungo sa kalawakan.
Mukhang iba pa ang kampanyang inilunsad ng ibang mga dayuhang pribadong ahensiya sa ibang bansa sa pagtatayo ng unang kolonya ng tao sa Mars. Isa rito ang Mars One, isang not-for-profit organization na pumipili ng mga kandidato para maging unang grupo ng mga tao na maninirahan sa naturang planeta. Wala na itong balikan. Permanente na sila sa Mars habambuhay. May 200,000 katao umano ang nag-aplay at sa huling ulat, hanggang noong Disyembre 2013, umabot na lang sa 1,058 ang natitira na nakapasa sa ilang proseso ng pagpili. At marami ring Pilipino ang kasama sa 1,058 na ito. Mga Pilipino sila na naninirahan o nagtatrabaho sa ibang bansa.
Wala pang tao na nakakapunta sa Mars. Hindi pa alam kung mabubuhay ang tao roon. Bukod pa rito ang kawalang-katiyakan sa susuungin ng mga tao sa panahon ng napakahabang biyahe patungo roon. Malaking tagumpay kung makakarating silang lahat sa Mars nang buhay. Maaaring naiisip at nalalaman din ito ng mga Pilipino at iba pang lahi na nag-apply na maging unang human settler sa Mars. At nakahanda sila sa anumang mangyayari. Sana nga.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipararating sa email address: [email protected])
- Latest