Riot ng mga kabataan, tumitindi
May natanggap tayong mga sumbong tungkol sa umano’y madalas na rambol ng mga kabataan na nagaganap sa ilang lugar sa Maynila.
Isa sa tinukoy ng ilang concerned citizen ang Mataas na Lupa sa Paco, Maynila na umano’y halos gabi-gabi ang sagupaan ng magkakalabang grupo ng fraternity o gang na kinabibilangan ng mga kabataan.
Kamakalawa lamang nagkaroon na naman ng insidente ng saksakan kung saan isang 16-anyos na binatilyo ang sinaksak ng isa ring menor de edad na kabilang sa kalabang grupo.
Matindi raw magsagupa ang mga magkakalabang grupo ng kabataan sa lugar, na ikinababahala na rin ng maraming mga magulang.
Ang siste raw kahit hindi kabilang sa anumang grupo ang kanilang mga anak, napag-iisipan ng magkabilang grupo na kabilang sa kanilang kaaway. Kaya labis ang kanilang takot at hi-ling sa mga kinauukulan na sana ay mapigilan ang ganitong rambol ng mga kabataan sa lugar.
Hindi lang mga residente ang umaalma sa nagaganap na kaguluhan, maging ang mga dumaraang motorista, hirap na rin kapag sumiklab ang riot ng magkakalabang grupo.
Aba’y pati ang kanilang mga sasakyan ay nadadamay, dahil sa pag-ulan ng bato, mga basag na bote at iba pang bagay.
Hiling ng mga residente ay may pumoste na sanang mga pulis dito lalo na sa gabi, kung saan doon madalas ang pagsasagupa ng mga grupong ito.
Maging ang pagroronda ng mga opisyal sa barangay dapat na ring paigtingin para na rin maibsan ang ganitong mga karahasan at pagkakasakitan ng mga kabataan.
Kailangan din naman ang masusing paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak para huwag masangkot sa ganitong mga paglalaban.
- Latest