EDITORYAL - Hatid ay bagong pag-asa
Nagkakaroling ang mga bata sa sinalantang Tacloban City at iba pang bayan sa Leyte. “Sa maybahay ang aming bati, Meri Krismas na maluwalhati. We wis yu a Meri Krismas, we wis yu a Meri Krismas and a Hapi Nyu Yir!’’ Kanta ng mga bata na may hawak na lata at tinatambol. Inabutan sila ng barya ng may-ari ng bahay na kinaroling ‘‘Tenk yu, ang babait n’yo tenk yu!’’ Umalis na ang mga bata at lumipat sa iba pang mga bahay. Masayang-masaya sila habang hawak ang mga baryang kinita.
Ang pangangaroling ng mga bata ay isang palatandaan na unti-unti nang natatanggap ng mga biktima ng bagyong Yolanda ang trahedyang sumapit sa kanila. Nagkakaroon na sila ng pag-asa. Sa kabila nang malupit na bagyo na tumama sa kanilang lugar noong Disyembre 6 na pumatay nang mahigit 6,000 tao, malaki ang kanilang paniwala na malalampasan ang lahat. Kahit ang ilan ay naghihinagpis dahil hindi na nakita pa ang kanilang ama, ina, anak at asawa, may pag-asa nang namumutawi sa kanila. Ang pagbangon at pagsisimulang muli ang kanilang inaasam. Ngayong Pasko, lalo pang nag-aalab ang kanilang pag-asa na ang mga nasirang bagyo ay muli nilang mabubuo.
Ganito ring kalaki ang pag-asang ipinakikita ng mga taga-Bohol makaraang yanigin ng 7.2 magnitude noong Oktubre 15 na ikinamatay nang mahigit 200 katao. Maraming bahay, simbahan at paaralan ang nawasak. Dahil sa takot ng mga residente, matagal silang nanatili sa mga tent. Tumagal din ng ilang linggo bago sila nagbalikan sa kani-kanilang mga bahay. Sinimulan nilang itayo ang mga naguho. Ngayon, may mga parol nang nakasabit sa bintana at may mga Krismas tri nang kumukutitap ang ilaw. Maraming bata ang nagkakaroling at hindi maipinta ang kanilang mukha sa labis na kaligayahan.
Gaano man kalakas ang bagyo at lindol at gaano man karami ang nasira’t napinsala, ang pag-asa ng mga Pinoy ay hindi matatawaran. Laging may pag-asa silang nakikita. At lalo pang titindi ang kanilang pag-asa at mga pag-asam ngayong Pasko.
- Latest