^

Punto Mo

‘Pay slip’

- Tony Calvento - Pang-masa

MULA sa agawan ng remote ng telebisyon nagsimula ang kakaibang samahan ni “Fer” at “Orly”.  Endless Love I- Autumn In My Heart (Korean drama series) ang hilig ng babae, PBA naman ang gusto ng lalake.      

“Nag-uunahan kami pumindot ng remote. Nagulat na lang ako ng kamay ko ang pinipindot sabay tanong, “Wala ka bang balak mag-asawa?” wika ni Fer.

Nagkakilala si Jennifer “Fer” Dioquino, 38 taong gulang at Eulogio Abasula o “Orly”, 38 anyos din sa Meycauayan, Bulacan nung taong 1999. Nagtatrabaho nun si Fer sa isang “garments factory” sa Valenzuela City. Pinakilala sa kanya ng kapitbahay na si “Ging” ang pinsan nitong si Orly. Nagtatrabaho naman nun sa pagawaan ng pako at alambre sa Liptong, Bulacan. Isang gabi habang nag-uusap sila ni Ging sa loob ng kanilang ‘compound’, dumating si Orly at kanyang mga kaibigan na noo’y nakainom. Nilapitan niya si Fer. “Pwede ba kitang kausapin?” tanong ni Orly. Mataray na sagot ni Fer, “Hindi ako nakikipag-usap sa lasing,”sabay alis. Ilang araw makalipas, bumalik si Orly at dumiretso sa bahay ni Fer. “Ayan ‘di na ako lasing…” sabi ni Orly. Pakiramdam ni Fer, interesado sa  kanya si Orly.

“Wala naman talaga sa isip ko nun makipagrelasyon. Kaya ang ginawa ko nakikulitan na lang ako sa kanya para walang ilangan,” ani Fer. Sa telebisyon ni Ging madalas magkita ang dalawa. Nagsisimula ang asaran kapag nag-aagawan na sila kung anong channel sila manunuod. Nagulat na lang si Fer ng minsan tanungin siya ni Orly kung wala ba siyang planong magkapamilya.

“Bakit pa masaya naman ako. Wala akong iniitindi,” sagot ni Fer.

Ilang linggo ang nagdaan kinabigla ni Fer ang pag-abot ni Orly ng sahod nito sa kanya. “Ano ‘to bakit pati pay slip mo binibigay mo?” pagtataka ni Fer. Diretsahang tanong ni Orly, “Bakit ayaw mo ba ko?!”  Sa ganitong paraan, sinagot ni Fer si Orly. Tatlong taon silang naging mag-‘boyfriend’ hanggang Disyembre 2003, nag-alsabalutan na lang itong si Orly ng mga damit at dumiretso sa bahay ni Fer. ‘Di na ito umuwi, nagsama na sila. Taong 2004, nabuntis si Fer. Pinagpatuloy ni Orly ang pagtatrabaho sa gawaan ng pako’t alambre hanggang sa manganak si Fer. Bago mag-isang taon ang kanilang panganay dinala nila ang bata sa Ormoc sa ina ni Orly na si Nora. Bumalik si Fer sa pagtatrabaho sa pabrika. Setyembre 2006, nabuntis muli si Fer kaya’t tumigil siyang muli sa pagtatrabaho. Nagdesisyon silang mangibang bansa si Orly. Sa tulong ng kanyang pinsan sa Riyadh, Saudi Arabia nakapagtrabaho si Orly bilang Crane Operator dun.

Hunyo 24, 2007, siya nakaalis ng bansa. Tatlong araw makalipas pina­nganak niya ang kanilang bunso. Maayos ang naging trabaho ni Orly sa Riyadh. Nagpapadala siya ng halagang Php18, 000 kada buwan sa mag-iina (Php6,000 daw dito napupunta sa biyenan sa probinsya). Taong 2008, buwan ng Marso umuwi ng Ormoc si Fer at bunsong anak para bisitahin ang kanilang panganay. Inisip ni Fer na magpundar ng bahay.

“Nalaman kong may pautang na bahay dun. Nagpaalam ako sa biyenan ko dito na kami nagkabanggaan,” ani Fer.

Hindi daw maganda ang mga sinabi ni Nora. Bisayang mura umano. Sa dulo, kinuha ni Fer ang anak at nangupahan sila malapit kay Ging. Isang araw, nagpaalam ang kanyang anak na pupunta sa ninang na si Ging para manood ng TV. Nagtaka siya dahil oras na ang nagdaan ‘di pa ito bumabalik. Pagpunta niya kay Ging, wala naman ang bata.

“Halos mabuang ako… kakahanap. Nalaman ko na lang kinuha ng biyenan ko ang bata dinala daw sa video­kehan. Sinundan ko dun wala na sila,” kwento ni Fer. Pumunta si Fer sa bahay ng biyenan. Nakita niya dun ang anak. Nang kukunin na niya ayaw na daw ibigay sa kanya ang bata at muntik na daw siya makatikim ng suntok sa biyenang si Benjamin. Dumiretso sa DSWD Prieto Diaz, Ormoc si Fer. Pinayuhan siya ng mga ito na magpunta sa pulisya at magpasama para makuha ang bata na noo’y tatlong taong gulang pa lang. Natakot ang biyenan niya ng dumating siyang kasama ang mga pulis kaya’t binigay daw nila ang bata. Nakarating kay Orly ang nangyaring ito.

“Ang kinwento nila pinapulis ko daw ang mga magulang niya. E nagpasama lang naman ako. ‘Di ko naman sila pinadampot!” ayon kay Fer. Dito na nasira ang samahan nila ni Orly. Umuwi si Fer at mga anak sa Bicol---sa kanyang ina. Mula nun Php2,000-5,000 na lang daw ang pinapadala ni Orly.

“Minsan sinusubukan kong makipag-ayos pero minumura lang niya ko. Ma­kapal daw ang mukha ko!” wika ni Fer. Pag-uwi ni Orly nung taong 2010, nagharap sila sa DSWD, Sorsogon at nagkapirmahan sila sa kasunduan na magbibigay ito ng Php6,500 na sustento. Hindi daw sumunod si Orly hanggang Mayo 2012 nagtigil na ito.

“Inintindi ko nun una. Sabi niya kasi naaksidente siya. Napilayan siya pero nung huling uwi niya nakakalakad na siya…” ani Fer.  

Ika-18 ng Nobyembre 2012, bumalik na ng Riyadh si Orly subalit wala pa rin natatanggap na sustento ang kanilang mga anak.

“Balita ko nagpakasal na daw siya sa isang taga Maynila. Isang taon na daw… may anak na rin sila. Hindi ko naman siya hinahabol pa. Sustento lang ng mga anak ko gusto ko,” pahayag ni Fer.

Itinampok namin si Fer sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ (Lunes-Bi­yernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi man kasal itong si Fer at Orly nakalagay sa Birth Certificates na pinakita sa amin ni Fer na pinirmahan ni Orly ang ‘Paternity Acknowledgement’ bilang ama ng mga bata. Bagay na ‘di niya matatanggi kapag dumating ang panahon na ituloy ni Fer ang pagsampa ng kasong Petition for Support sa korte.

Lagi naming sinasabi na sa sitwasyon ng hiwalayan tulad nito, walang panalo o talo kundi mga biktima. Hindi dapat ang mga anak ninyo ang nagdudusa.

Para sa’yo Orly, panagutan mo ang responsibilidad mo sa inyong mga anak kay Fer. Kahit may bago ka ng pamilya (kung totoo nga ang kwento sa amin ni Fer) huwag mong talikuran ang iyong pagiging ama!           

Para lubusang tulungan si Fer, ipaparating namin ang kanyang problema sa Department of Foreign Affairs kay Ambassador Ezzedin Tago ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh para ipatawag itong si Orly at paalalahan sa kanyang obligasyon.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Maari din kayong magtext sa 09213263166, 092-13784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

ANAK

DAW

FER

NIYA

ORLY

RIYADH

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with