EDITORYAL - Bagsik ni Yolanda, nalimutan dahil kay Pacman
WALANG trapik noong Linggo. Sa kuha ng MMDA sa EDSA, maluwag na maluwag ang magkabilang lane. Halos lahat ay nakatutok sa laban ni peoples’ champ Manny Pacquiao kay Brandon Rios. Tinalo ni Pacman si Rios. Nabugbog nang husto ang American-Mexican na si Rios. Sabi ni Pacman bago ang laban, iniaalay niya sa bayan ang kanyang tagumpay. Babangon daw siya at nangyari nga nang talunin si Rios.
Kung sa Metro Manila ay naging maluwag na maluwag ang mga kalsada at wala halos nagbibiyahe, ganundin naman ang senaryo sa lugar na hinagupit ni Yolanda noong Nobyembre 8. Napanood ng mga biktima ng bagyo ang laban at wala silang pagsidlan sa tuwa nang makita kung paano magpaulan ng suntok ang Pilipinong kampeon. Habang binabayo ni Pacman si Rios ay walang tigil sa pagsisigawan ang mga biktima ng bagyo sa Leyte, Samar, Cebu, Panay, Capiz, at marami pang lugar sa Kabisayaan. Sa ilang oras na nakaharap sa telebisyon at pinanonood ang laban, nalimutan nila ang daluyong na sumagasa at kumitil sa may 5,000 katao at sumira sa kanilang mga bahay. Grabeng pinsala ang dinulot ni Yolanda, at marami ang nawalan ng pag-asa na makababangon pa. Hanggang ngayon ay marami pang biktima ang hindi nakikita.
Nagbigay ng saya at pag-asa ang panalo ni Pacman. Ang iba, mas lalo raw naging masaya kung napabagsak si Rios. Mas lalo raw malakas ang kanilang sigawan. Ganunman, nagbigay sa kanila nang panibagong pag-asa ang ipinakita ni Pacman. Hindi nila malilimutan ang bagsik ni Yolanda pero napawi naman dahil sa panalo ni Pacman. Mabuhay ka, Pacman!
- Latest