EDITORYAL - Mabagal ang usad ng Maguindanao massacre case
GINUGUNITA ngayon ang ika-apat na anibersaryo ng karumal-dumal na Maguindanao massacre. Sa loob ng apat na taon, wala pang nangyayari sa kaso. Patuloy pa ring umaasam ang mga naulila na magkakaroon ng pagbabago at bibilis ang pagdinig sa kaso. Uhaw na uhaw na sila sa hustisya. Gusto nilang magkaroon na ng kapanatagan ng isipan at makapagpahinga sa nangyaring massacre.
Pinaka-karumal-dumal na krimen sa panahon ng eleksiyon ang Maguindanao massacre kung saan, 58 ang walang awang pinatay. Sa 58, 30 ang mamamahayag. Dahil sa pangyayaring iyon, ipinalagay na ang Pilipinas ang pinaka-mapanganib na lugar para sa mga mamamahayag. Sa isang iglap, maraming mamamahayag ang inihulog sa hukay.
Sumama ang mga mamamahayag sa convoy ng supporters ni Toto Mangudadatu para magpa-file ng certificate of candidacy. Ang asawa ni Mangudadatu ang magpa-file ng certificate of candidacy para sa kanya. Bukod sa asawa ni Mangudadatu kasama rin sa convoy ang dalawang kapatid na babae. Pero hinarang sila ng mga armado. Pinababa sa sasakyan at pinagbabaril. Hindi iginalang maski ang mga babae na umano’y meron pang buntis. Nang masigurong patay na lahat, inihulog sila sa malalim na hukay. Maski ang mga sasakyan ay inihulog din.
Ang mga suspect ay ang mag-aamang Ampatuan --- Andal Ampatuan Sr., Andal Jr. at Zaldy at 200 iba pa. Itinatanggi nila ang krimen. Wala umano silang nalalaman. Nakakulong sila ngayon sa Bicutan jail at patuloy ang arraigment. Ang mayhawak ng kaso ay si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.
Dahil sa bagal ng kaso, napabalitang natutukso na ang mga naulila na tanggapin ang iniaalok ng mga akusado. Mayroon umanong gusto nang makipag-areglo. Umano’y nag-o-offer na ang mga akusado ng P50 milyon bawat isa para lang matapos na ang kaso. Dati’y P25 milyon ang offer pero dinoble.
Kung totoo ito, hindi masisisi ang mga pamilya ng biktima na “matukso†na tanggapin ang alok. Sa bagal ng usad na kaso, ang P50 milyon ay maaari nang lunukin at kalimutan ang madugong pangyayari.
Kapag nangyari ang settlement, mababalewala ang pagsisikap ng mga awtoridad sa kasong ito. Sayang ang panahong ginugol. Sana, bilisan ang pagdinig sa kaso. Huwag hayaan na masayang ang pagod, hirap at luha sa karumal-dumal na kaso. Tapusin na ang pagkauhaw sa hustisya ng mga naulila.
- Latest