Barangay election
SA araw na ito magpapasya kung ano ang magiging takbo ng lipunan sa lebel ng barangay sa susunod na tatlong taon.
Mahalaga ang barangay. Sumunod ito sa pamilya bilang basic unit of society, ang barangay o komunidad ang susunod na mas malaking ginagalawan ng indibidwal. Sa mababang lebel o unang hakbang na ito sa labas ng pamilya, ang barangay ang magbibigay at magpapatupad ng mga batas at tuntuning huhubog sa mga sinasakupan nito upang maging responsable silang mamamayan ng bansa. Sa barangay level din nabubuo ang mga oportunidad at programa para makapagsimula ng negosyo, lalo na para sa mga kababaihan.
Ito ang dasal ko sa barangay election: Panginoon, iniaangat po namin sa inyo ang eleksiyon ngayong araw na ito. Dahil ang barangay po ang isa sa may pinakamalaking budget sana po ang mananalo ay gagamitin ito ng tama at ilalagak upang mapaganda at mapaunlad ang kanilang sinasakupan. Sana po ay magkaroon ng samahan ang mga nakatatanda at magkaisa sila upang gabayan ang mga magulang sa pagpapalaki ng tama sa mga anak nila. Pabata na po nang pabata ang edad ng mga kabataang nalululong sa masamang bisyo.
Sana rin po ay maipagawa nang tama ang lahat ng mga kalye. Sana ay wala pong favoritism na ilang kalye lang ang pulido at sementado habang ang iba ay puro putik pa rin. Kawawa po ang mga mag-aaral tuwing umuulan.
Naway mapaniguro ang kalinisan at tamang pagtatapon ng basura upang hindi natin ito problemahin pagdating ng ulan at bagyo. Gayundin para hindi magkasakit ang mga residente dahil sa maling disposal ng dumi natin.
Dinggin mo rin po ang kahilingan naming maging mapayapa at matagumpay ang election ngayon. Walang sakitan, walang patayan at sana rin po ay walang dayaan. Patnubayan mo po ang mga poll watchers. Bigyan niyo po ng konsensiya at wisdom ang mga mailuluklok na gamitin ng tama ang kanilang posisyon. Amen.
- Latest
- Trending