Lalaki na fan ng monopoly board game, nakatanggap ng Guinness World Record!
ISANG lalaking British na mahilig sa board game ang muling nakasungkit ng Guinness World Record matapos umabot sa 4,379 ang bilang ng kanyang koleksyon ng Monopoly memorabilia.
Si Neil Scallan, na matagal nang kinikilala bilang record holder, ay unang nagtala ng Guinness world record noong 2016 nang umabot sa 1,677 na iba’t ibang edisyon ng Monopoly ang kanyang koleksyon.
Nahigitan niya ang sariling record noong 2017 nang umabot ang koleksyon sa 1,999 sets at noong 2018 nang makakolekta na siya ng 2,249 sets.
Sa pinakabagong bilang, nananatili siyang nangunguna sa mundo pagdating sa koleksiyon ng Monopoly.
Ayon kay Scallan, nagsimula ang lahat sa pangkaraniwang version nito. Habang nakakabisita siya sa iba’t ibang bansa, kinokolekta niya ang mga special edition ng Monopoly sa bawat lugar na kanyang napuntahan.
Para sa kanya, bawat set ay nagsisilbing alaala ng kanyang mga paglalakbay at karanasan.
Ngunit sa kabila ng kanyang napakalaking koleksiyon, may isang edisyon pa rin siyang hinahanap—ang limited edition ng Monopoly na ginawa para sa Cronulla Sharks, isang rugby team sa Australia.
Sinubukan niya itong bilhin mula sa Winning Moves headquarters sa Sydney, ngunit nanatili itong pagmamay-ari ng isang opisyal doon.
Patuloy si Scallan sa kanyang layuning makuha ang rare edition na ito habang pinaparami pa ang kanyang koleksiyon.
- Latest