Taga-Luzon, maghanda na sa lindol
MALAKAS ang lindol (7.2 magnitude) na tumama sa Bohol, Cebu, Davao at ilan pang lugar sa Visayas at Mindanao. Nasa 70 na ang kumpirmadong namatay.
Walang makakapagsabi kung kailan makakaranas ng malakas na lindol sa Metro Manila (MM) kaya dapat ay maghanda ang gobyerno at mamamayan.
Magkaroon na ng sariling earthquake drill upang hindi mag-panic ang miyembro ng pamilya. Mayroon nang mga drill na ginagawa sa mga paÂaralan at iba pang tanggapan pero dapat gawin na ito sa bawat sambahayan.
Halimbawa, dapat ituro na sa mga anak gayundin sa kasambahay kung ano ang unang gagawin ng mga ito kung biglang lumindol habang sila ay nasa loob ng bahay. Sa ganitong sitwasyon ay mas magiging alerto ang bawat isa at maiiwasan ang mag-panic na kadalasang nagpapalubha sa sitwasyon.
Ayon sa Phivolcs, hinog na ang fault line sa ilang lugar sa MM kaya dapat paghandaan ito at huwag magpaapekto sa mga pang-araw-araw na buhay. Ang Phivolcs ay matagal nang nagbababala sa publiko na maging handa sa sakuna.
Paigtingin ang paghahanda ng lahat sa MM. Kung tatama rito ang malakas na lindol gaya nang naranasan sa Bohol ay asahan na maraming gusali ang guguho at maraming mamamatay.
Huwag ipagwalambahala ng gobyerno ang nasabing lindol. Dito sa MM, kailangang siyasatin ang mga gusali lalo na ang mga pampubliko kung ito ba ay matibay pa ang istraktura para na rin sa kaligtasan ng lahat.
- Latest