‘Bukas-kotse gang’
HINDI nawawala ang nakawan sa mga pribadong garahe at pampublikong paradahan. Araw-araw laman ito ng balita. Nag-iiba-iba lang lagi ang anggulo ng istorya, pangalan ng biktima at lugar na pinangyarihan ng krimen. Ang mga kawatan, habang tumatagal, mas lalo pang nagiging agresibo!
Umaatake ang mga bukas-kotse gang sa mga parking lot ng mga mall, simbahan, paaralan, mga pampublikong paradahan at iba pang lugar.
Ang kanilang estilo, ilang ulit muna nilang mamanmanan ang target na sasakyan. Kapag napansing walang nakatingin sa lugar, saka sila sasalakay at isasagawa ang paglimas sa mga maaari nilang pakinabangan!
Matagumpay na naisasagawa ng mga dorobo ang kanilang modus dahil mayroon silang mga kasapakat na nagsisilbing lookout. Sila ang nagbibigay ng mga signal para ikasa ang operasyon.
Bagama’t walang pinipiling panahon sa pagsasagawa ng krimen ang mga bukas-kotse gang, asahang tataas pa ito habang papalapit ang kapaskuhan.
Babala ng BITAG sa publiko partikular sa mga may-ari ng sasakyan, iwasan o huwag mag-iiwan ng mga mahahalagang gamit sa inyong mga sasakyan. Iwasang mag-park sa mga madidilim na lugar.
Maglagay din ng mga car alarm upang mabilis na makatawag ng pansin sakaling ninanakawan ang inyong mga sasakyan. Huwag maging kampante. Tandaan, hindi garantiya ang mga nakata-lagang sekyu sa mga parking area na ligtas ang inyong mga sasakyan sa bukas-kotse gang.
Ibayong pag-iingat ang kailangan upang hindi mabiktima ng mga kawatan sa lansangan!
* * *
Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw tuwing 10:00-11:00 ng umaga sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5 o via live streaming sa www.bitagtheoriginal.com/bitagsaradyo.
- Latest