Balikat ni Purisima, bumigat dahil kina SPO4 Cantillas at PO2 Diamzon
MASAYANG iwinawagayway nina SPO4 Fernando Cantillas at PO2 Fernando “Andoy’’ Diamzon sa kanilang mga kausap sa Manila Police District (MPD) ang kanilang order na ma-assign sa opisina ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Ipinagyayabang nina Cantillas at Diamzon na bagyo sila kay Purisima at kahit ano pa ang mangyari ay hindi sa Mindanao o sa iba pang kangkungan mapupunta ang assignment nila. Kaya ang mga kausap nila sa MPD ay nakanganga sa galing ng linya nina Cantillas at Diamzon, na mga tong collector sa mga pasugalan. Habang nagsasaya at nagyayabang sina Cantillas at Diamzon, ang nasisira namang pangalan ay kay Purisima. Bakit? Kasi nga sa ngayon, abala si Purisima sa mga proyekto tulad ng Police Integrated Patrol System (PIPS), para ibangon ang mabahong imahe ng PNP. Ayon kasi sa isang survey, ang PNP na ang pinaka-corrupt na ahensiya ng gobyerno sa ngayon. Kilala natin bilang brusko at no-nonsense police officer si Purisima subalit paano niya maiangat ang imahe ng PNP kung may pabigat sa balikat n’ya tulad nina Cantillas at Diamzon, di ba mga kosa? He-he-he! Naglilinis nga ng scalawags sa hanay ng PNP si Purisima subalit mababahiran dahil kina Cantillas at Diamzon. Mismo!
Sina Cantillas at Diamzon kasi mga kosa, kasama sina Insp. Arnold Sandoval at SPO2 Gener «Paknoy» Presnedi, ay ni-relieve ni NCRPO director Chief Supt. Marcelo Garbo Jr. sa MPD noong Agosto 2, dahil sa hindi lang pagiging tong collector nila, kundi pagiging sangkot sa operation ng illegal na sugal. Si Presnedi ay operator nang may 80 butas ng bookies ng karera sa Maynila samantalang sina Cantillas, Sandoval at Diamzon ay meron din. Ang pag-relieve ng scalawag cops ay paraan naman ni Garbo para malinis ang imahe ng kapulisan sa trono niya. Kaya lang noong Agosto 15, naglabas ng order ang PNP sa Camp Crame para i-assign nga sina Cantillas at Diamzon sa opisinina mismo ni Purisima. Ano ba ‘yan? He-he-he! Mukhang magkasalungat ang direksiyon nina Purisima at Garbo ah.
At ang itinuturong padrino nina Cantillas at Diamzon ay si SPO1 Jose «Jun» Bernardino Jr., na isa sa 18 pulis na kinasuhan ng mga Koreano ng arbitray detention, robbery with intimidation at illegal na pagkuha ng search warrant sa Department of Justice (DOJ. Nilimas kasi ng RPIOU raiders ang bahay ng mga Korean ng kagamitan na nagkakahalaga ng P739,000 at na-release lang sila matapos magbayad ng P500,000. Ang tawag ng taga-RPIOU kay Bernardino ay «money-maker.» Hehehe! Ang sarap pakinggan nitong alyas ni Bernardino, di ba mga kosa?
Dapat lang sigurong ipagpag ni Purisima sina Cantillas at Diamzon bilang pabigat sa balikat nya. Itapon sila sa Mindanao at isama na rin niya itong si Bernardino, para hindi na sila pamarisan pa ng mga bugok na pulis. Sinabi ng mga kosa ko na hindi naman nagrereport sa Camp Crame sina Cantillas at Diamzon dahil palagi sila sa MPD na nagyayabang. Pero in fairness ha, hindi pa gumagalaw at bumalik sa dating gawi nila sina Cantillas at Diamzon. Bumubuwelo pa sila? Abangan!
- Latest