EDITORYAL - Ang asikasuhin ay ang paggawa ng batas
MAYROON pa ring pork barrel sa 2014 sa kabila na sinabi ni President Aquino na panahon na para buwagin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Ang pork barrel sa susunod na taon ay P25.2 billion. Pero sabi ng Presidente aayusin daw ang sistema sa pagbibigay ng PDAF. Wala na rin daw non-government organizations (NGOs) at kung anu-ano pang grupo na gagamitin ang pondo ng mambabatas. Nangako ang Presidente na mapaparusahan ang mga sangkot na mambabatas sa pork barrel scam. Wala raw sasantuhin sa gagawing imbestigasyon.
Panahon na para buwagin ang PDAF, sabi ng Presidente pero ang nakapagtataka, kasama pa rin pala ito sa susunod na national budget. Ibig sabihin, mayroon pang “paglalawayan†ang mga mambabatas. Ang kaibahan nga lang, mismong ang Presidente na ang mangangasiwa sa pagbibigay niyon at bubusisiing mabuti bago ma-release. Magiging maayos daw ang pamamahagi.
Maraming nagtataka kung bakit napakahirap para sa Presidente na buwagin o ibasura ang pork barrel fund. Kung ang mamamayan ang kanyang “boss†sana mapakinggan niya ang hinaing ng mga ito. Sana, naramdaman ang galit ng mga taong dumalo sa rally sa Luneta noong Lunes.
Kailangan pa bang pagkalooban ng pork barrel fund ang mga mambabatas na ang tanging gawain naman ay gumawa ng batas. Gumawa na lang sila ng batas at hindi ang pagkagahaman sa pork barrel ang kanilang pinagkakaabalahan. Hindi na nila kailaÂngang pumili ng proyekto o kaya’y magbigay ng mga gamot sa mga mahihirap, insecticide sa magsasaka o kaya’y magpagawa ng kalsada gamit ang pork barrel.
Ipaubaya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapagawa sa kalsada. Ipaubaya sa DOH ang pamamahagi ng gamot at ipaubaya sa Department of Agriculture ang pamamahagi ng insecticide o fertilizer.
Ang paggawa ng batas ang kanilang atupagin sapagkat ito ang nakasaad sa batas. Hindi sila dapat magkaroon ng pork barrel na pinag-uugatan ng grabeng corruption. Pera ng taumbayan ang kanilang nilulustay.
- Latest