EDITORYAL - Ibang mukha ng baboy
BABOY pa rin. Makikinabang pa rin ang mga mambababoy (pinaikling mambabatas at baboy) kahit na binuwag na ni President Aquino ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) gaya nang sinabi niya noong Biyernes. Ayon kay P-Noy, panahon na raw para buwagin ang PDAF. Binuwag nga ang PDAF pero may pork pa rin. Binihisan lang ito. Nilagyan lang ng makeup at bagong damit pero ganun pa rin ang sumatutal.
Kahapon, nakita sa buong mundo ang ginawang pagtitipon ng mamamayan sa Luneta. Tinagurian itong Million People March. May mga naganap ding pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinakita ang kanilang pagtutol sa pork barrel at dapat itong ibasura nang tuluyan ng Presidente. Hindi napigilan ang protesta kahit nga inihayag ni P-Noy na io-overhaul ang pork system. Lalo lang nagalit ang mamamayan sa ginawa ng Presidente. Taliwas daw ito sa sinasabi ni Aquino na ang kanyang boss ay ang mamamayan.
Hangga’t hindi binubuwag nang tuluyan ang pork barrel hindi kailanman mapipigil ang mamamayan sa pagdaraos ng protesta laban dito. Natapos na ang unang protesta at tiyak na may mga kasunod pa. Sa kabila naman na nagagalit ang mamamayan dahil sa nabulgar na pag-abuso sa pork, isinama pa rin ng Malacañang ang P25.2 billion allocation para sa PDAF sa 2014 national budget. Ibig sabihin, kasado na uli ang pagpipistahang pork. Sa susunod na taon, mayroon uling paglalawayan. At paano makasisiguro na babantayan nga ang paggamit sa pondo? Paano malalaman ng mamamayan na hindi napupunta sa bulsa ng mga matatakaw na mambabatas ang pondo?
Hindi talaga dapat itigil ang paghagupit sa binihisang baboy. Kailangan ang patuloy na pagmamartsa para tuluyan itong mabasura.
- Latest