May mga taong sumisira sa pangalan ni Erap
MARAMI ang humanga sa sobrang linis ng kalye at bangketa ng Divisoria sa ilalim ng liderato ni Manila Mayor Erap Estrada. Ma-sustain kaya ni Erap ito? Halos mahabang panahon na kasi na pinamugaran ng illegal vendors ang bangketa at ng mga sasakyan ang kalye ng Divisoria kaya marami ang umiiwas dito kahit na mura ang mga paninda. Hindi lang ’yan, mataas din ang kriminalidad doon!
Tandang-tanda ko pa nang nakatira pa ako sa Road 8 sa West Crame sa San Juan City, itong Divisoria ay medyo malinis pa. Dumadaan kasi kami dito para magpadala ng pera o gamit kay Mang Leon Allin, ang aming kapitbahay sa Rodriguez St., Alimodian, Iloilo, na nagtatrabaho sa isang barko ng Negros Navigation sa Pier 2 sa North Harbor. Hindi pa masyadong matrapik ang Divisoria ng panahon na yaon. Nitong panahon ni dating Mayor Fred Lim, iniutos din niya ang linisin ang Divisoria. Siyempre, nililinis lang ng taga-DPS ang Divisoria tuwing dadaan si Mayor Lim. Subalit pagkalampas nito, balik sa dating gawi ang illegal vendors at drivers. Kaya ang buong akala ni Mayor Lim, my idol, ay malinis ang Divisoria pero hindi pala. He-he-he! Nagantso si Mayor Lim di ba mga kosa?
Kaya humanga ang mga kosa ko kay Erap nang makita ang Divisoria sa mga post sa Facebook na walang tao sa bangketa at pati kalye ay wala ring sasakyan. Parang playground ang Divisoria. Get’s n’yo mga kosa?
At para hindi naman ma-displace ang mga apektadong vendors, minabuti ni Erap na magtayo ng “night market†sa Divisoria, kagaya ng sa Hong Kong, at nag-umpisa nga ito noong nakaraang Biyernes. Ayon kay Vice Mayor Isko Moreno, hindi masyadong umarangkada ang first night ng night market subalit puwede na ito. Wala na tayong balita sa night market ni Erap nang nagdaang mga araw dahil natabunan ng hagupit ng habagat at bagyong Maring na maaring mamayang gabi pa lilisanin itong binahang bansa natin. Kaya ang mga kosa ko sa Maynila ay nakatutok sa kung ano pa ang mga proyekto ni Erap.
Subalit anumang ganda ng mga proyekto ni Erap, may mga tao naman sa paligid niya na patuloy na sumisira ng kanyang pangalan. Halimbawa na lang ay si alyas Tiger na ginagamit ang pangalan ng anak ni Erap na si Jude. Ayon sa mga kosa ko, nag-iikot si Tiger sa Kamaynilaan gamit ang isang Hummer na puno nang malalakas na kalibre ng baril. Napapaligiran ng goons si Tiger. Kinakausap ni Tiger ang mga may-ari ng beerhouse, nightclubs at gambling lords subalit, in fairness, hindi pa siya humihingi ng lingguhang tara. He-he-he! Mukhang bumubuwelo lang si Tiger ah, di ba mga kosa?
Ang hepe naman ng City Hall detachment na si Chief Insp. Bernabe Erinco ay patuloy na nagsasagawa ng raid sa illegal gambling gamit ang mga pulis na naka-assign sa MASA na dating CHAPA ni Lim. Hindi na ginamit ni Erinco ang scalawag cops dahil gusto niya sa ngayon ay rekta na ang pitsa sa bulsa niya. Ano ba ’yan?
Hindi naman kaila sa mga kosa ko na napatalsik sa Palasyo si Erap dahil kagagawan ng kanyang mga kaibigan na nakapaligid sa kanya. Ganundin kaya ang mangyayari ngayon habang nasa City Hall siya? Abangan!
- Latest