Trahedya na naman
Isa na namang trahedya sa dagat ang naganap noong naka-lipas na Biyernes ng gabi makaraang magbanggan ang dalawang barko sa karagatan ng Cordova at Talisay City sa Cebu.
Ang sangkot na sasakyan M/V Sulpicio Express 7 at ang pampasaherong barko na M/V St. Thomas Aquinas ng 2GO Shipping.
Sa pinakahuling report 39 na ang narerekober na bangkay, habang nasa 80 pa ang nawawala at 751 naman ang nasagip sa mga pasahero ng M/V St. Thomas Aquinas.
Nakakapangilabot na naman ang pangyayaring ito, na siguradong mahabang imbestigasyon na naman ang mangyayari.
Sa Aquinas, may sakay pala itong 58 sanggol at mahigit sa 20 pa ang mga paslit.
Sa paunang ulat sa insidente, nabangga ng M/V Sulpicio Express 7 ang passenger ship sa kanang likurang bahagi habang papaalis ito sa Port of Cebu at nakasalubong naman ang huli na papadaong sa nabanggit na port.
Papaalis ang isa, paparating ang isa at doon nagbanggan.
Ang malaki na namang tanong dito hindi ba’t may vessel traffic separation scheme na sinusunod ang mga barko kahit pa nga makipot ang bahagi ng karagatan sa nasabing pantalan.
Hawak din ng mga kapitan ng barko ang mapa o chart sa linyang kailangan nilang tahakin pero bakit nagkasalpukan pa ang mga ito.
Malinaw na maaaring may isa sa kanila ang lumihis sa inilaan sa kanilang daan kaya nangyari ang salpukan.
Siguradong sa linggong ito sangkaterbang imbestigasyon na naman ang magaganap, malamang pati sa Senado may mga pagdinig na naman dito.
Ibat-ibang panukala na naÂman ang maririnig, gaya ng mga inasahan sa mga naganap at nakalipas na trahedya.
Malayo pa ang tatakbuhin ng imbestigasyon para malaman at mapanagot kung sino sa dalawang sasakyang ito nagkaroon nang pagkukulang o dapat na managot sa naganap na trahedya.
Pero sa ngayon marapat muna siguro na unahin nang matulungan ang mga biktima, at mga kaanak ng mga nasa-wing biktima.
Matatagalan pa rin bago makalimot ang marami sa bangungot na naman na kanilang naranasan at nasaksihan sa trahedyang ito sa dagat.
- Latest