EDITORYAL - Ilantad ang tax evaders
SAAN kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang tax evaders? Kung makakapal ang mukha ng taga-Bureau of Customs gaya ng sinabi ni President Aquino sa kanyang SONA, makapal din ang tax evaders sapagkat marami silang kinikita pero hindi nagbabayad at ang iba, nagbabayad nga pero kapiranggot lang. Ang kapal talaga!
Tama lang na hiyain sila ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Nagsagawa ng shame campaign ang BIR sa tax evaders noong nakaraang linggo. Nagpa-advertise ang BIR sa mga pahayagan na mas malaki pa ang kinikita ng mga guro kaysa mga doctor, abogado at accountant. Ang pinagbasehan nito ay ang tax returns ng isang guro na nagbayad ng P35, 952 mula sa kinikitang P21,500 na buwanang suweldo. Ayon sa ad, ang mga self-employed doctor, abogado at accountant sa Makati umano ay nagbayad lamang ng P35,000 taxes. Ayon pa rin sa ad, isang lawyer sa Makati ang nagbayad lamang umano ng P200 sa kanyang taxes. Ang isa pang lawyer ay nagbayad lamang ng P475.
Saan nga kaya kumukuha ng kapal ang mga propesyunal na ito at kakarampot ang ibinabalik na buwis sa gobyerno. Tinalo pa ng isang public school teacher na hindi nandadaya sa buwis. Maraming guro ang kulang na kulang ang suweldo pero hindi kailanman nandaya sa buwis. Bukod sa mga guro, marami pang karaniwang kawani ng pamahalaan ang nagbabayad ng tamang buwis sa kabila na kakarampot ang kanilang suweldo. Kung sino ang karampot ang kinikita, sila ang hindi nakalilimot sa pagbabayad ng kanilang taunang buwis.
Paigtingin pa ng BIR ang paghabol sa tax evaders. Hiyain pa sila. Mas maganda pa kung ilalathala nila ang mga pangalan ng mga doctor, abogado, accountants, at iba pang professional na nandadaya sa buwis. Ilantad na sila para makita ang kakapalan ng mukha.
- Latest